Laro Enero 26
(Calasiao Sports Complex)
5 p.m. Barangay Ginebra vs Rain or Shine
BUMANGON mula sa 10 puntos na paghahabol ang Columbian Dyip para mapigilan ang NorthPort Batang Pier, 110-100, sa kanilang 2019 PBA Philippine Cup elimination round game Biyernes sa Ynares Center, Antipolo City.
Nagsagawa ng ratsada ang Dyip sa huling bahagi ng ikatlong yugto para burahin ang 10 puntos na bentahe ng Batang Pier at itala ang 86-79 kalamangan papasok sa ikaapat na yugto tungo sa pag-uwi ng panalo.
Ito ang ikalawang panalo ng Columbian sa tatlong laro habang natikman naman ng NorthPort ang unang pagkatalo sa tatlong laro.
Nagtala sina Jackson Corpuz, Reden Celda at Jeepy Faundo tig-15 puntos habang si Rashawn McCarthy ay nagdagdag ng 14 puntos at 12 assist para sa Dyip, na mayroong pitong manlalaro na umiskor ng double figures.
Sina Eric Camson, JP Calvo at top rookie pick CJ Perez ay nag-ambag ng tig-12 puntos para sa Columbian.
Pinamunuan ni Stanley Pringle ang Batang Pier sa itinalang 29 puntos habang si Mo Tautuaa ay kumana ng double-double sa ginawang 23 puntos at 12 rebound.
Sa ikalawang laro, tinambakan ng San Miguel Beermen ang Meralco Bolts, 105-93, para mahablot ang ikalawang sunod na panalo.
Nanguna para sa Beermen si Marcio Lassiter na kumana ng 25 puntos habang si June Mar Fajardo ay kumamada ng double-double sa itinalang 20 puntos at 11 rebound.
Namuno naman para sa Meralco si Nard John Pinto na nagtala ng 13 puntos.
Samantala, tatangkain ng Rain or Shine Elasto Painters na mahablot ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Barangay Ginebra Gin Kings sa kanilang out-of-town game ngayong Sabado sa Calasiao Sports Complex sa Calasiao, Pangasinan.
Galing ang Elasto Painters mula sa 96-87 pagwawagi kontra NLEX Road Warriors habang ang Gin Kings ay magmumula sa 99-91 pagkatalo sa kamay ng Beermen.