Masanguid: GAB suportado ni Duterte

 

BAGAMAT nasa committee level pa ng House of Representatives ang Philippine Boxing Commission bill, sinabi nina Games and Amusements Board (GAB) commissioner Mar Masanguid at GAB boxing chief Jun Bautista na posibleng maipasa ito bilang batas.

Ito ang kanilang sinabi sa ginanap na “Usapang Sports” forum na hatid ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

Subalit umaasa si Masanguid, na isang dating barangay captain sa Davao City, na hindi pipirmahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukala na naglalayon na alisin ang boxing at mixed martial arts (MMA) sa mandato ng GAB.

“Kapag naging batas na iyan, wala na tayong magagawa,” sabi ni Masanguid, na kapitbahay at masugid na tagasuporta ni Duterte. “Pero hanggang hindi pa napipirmahan ‘yan ni Presidente, hindi pa ‘yan magiging ganap na batas.”

Noong samahan ni GAB chairman Baham Mitra at kanyang mga commissioner si World Boxing Organization (WBO) super flyweight champion Donnie “Ahas” Nietes sa Malacañang nitong nakaraang linggo, ipinahayag ni Duterte ang kanyang buong suporta sa GAB.

“Sabi niya (Duterte) ibibigay niya ang all-out support sa GAB. Ano man ang kailangan ng boxing, sabihan lang siya at agad siyang tutulong,” dagdag pa ni Masanguid, na binanggit ang financial assistance na ibinigay ng Malacañang sa GAB nang magsilbi itong host ng World Boxing Council (WBC) Women’s Convention and Asia Summit na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) noong Nobyembre.

“Hindi naman nagkulang ang GAB sa trabaho nito para pangalagaan at protektahan ang mga boksingero natin,” sabi pa ni Masanguid.

Sinabi naman ni Bautista na ang GAB, sa ilalim ng pamamahala ni Mitra, ay suportado ng boxing at MMA community. Ipinagmalaki rin niya ang mga nagawa ng GAB sa ilalim ni Mitra, kabilang na ang parangal mula sa WBC na kinilala ang GAB bilang “Commission of the Year” noong 2017.

Ikinalungkot din ni Bautista na ang sport ng boxing na pinangangasiwaan ng GAB magmula pa noong 1951 ay maaalis na sa kanila. Subalit kung maisabatas ang Philippine Boxing Commission, susunod naman sila dito ayon kay Bautista.

“Life goes on for GAB,” ani Bautista. “There are other professional sports out there like basketball, volleyball, golf, billiards and even e-sports.”
Noong Setyembre, ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na nagtatatag sa Philippine Boxing and Combat Sports Commission na layunin na itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng mga atletang Pinoy.

Read more...