Pasaway na singer-actor may bago na namang ‘biktima’


PAGKATAPOS nang mahaba-haba ring panahon ay may iba nang manager ngayon ang isang singer-actor. Masalimuot ang kuwento nila ng kanyang dating manager.

Sumuko na ito sa pag-aalaga sa kilalang male personality, ayaw nitong maagang magpaalam sa mundo, dahil sa stress.

Nag-aapiran ngayon ang mga nakakakilala sa lalaking personalidad, nag-aapiran sila, parang sinasabi ng mga ito na good luck na lang sa bago niyang manager.

Kuwento ng aming source, “May katigasan ang ulo ng male personality na ‘yun! Panay-panay ang pangaral ng ex manager niya tungkol sa mga dapat at hindi niya dapat gawin, pero hindi siya nakikinig!

“Sayang siya dahil magaling pa naman siyang umarte, singer din siya at magaling sumayaw, ano pa ba ang kulang sa kanya? Wala na kung tutuusin.

“Disiplina na lang ang kailangan niya para sumikad nang husto ang career niya, pero ‘yun ang wala ang lalaking ‘yun, gagawin niya ang gusto niya, wala siyang pakialam sa mga taong nagpapakahirap para lang matupad ang mga pangarap niya,” malungkot na kuwento ng aming impormante.

Madaling maimpluwensiyahan ng karelasyon ang singer-actor, hindi niya alam ang salitang hinay-hinay, talagang palaging siya lang ang tama at mali ang kanyang manager.

“Buking na buking na siya, e, nagde-deny pa! Huling-huli na sila ng girlfriend niya na buong-ningning na magkasama sa isang lugar na sariling-sarili nila, pero nagsisinungaling pa siya sa manager niya!

“Ganu’n siya katindi, kesehodang ibinibitin niya ang trabaho niya, e, wala siyang keber, magawa lang niya ang gusto niya. Kaya sabi nga ng mga kaibigan ng ex-manager niya, e, good luck na lang sa bagong nag-aalaga sa kanya.

“Siguradong sasakit din ang ulo ng bago niyang manager, sa totoo lang, dahil sa katigasan ng ulo niya! Tingnan natin kung tumagal sa kanya ang manager na ‘yun parang kumuha lang ng batong ipupukpok sa ulo niya!

“Sayang naman si Mr. Pogi, matagal na sana siyang sikat, pero dahil sa kawalan niya ng disiplina, ayan siya, nakikipagsuntukan pa rin sa buwan,” chika pa rin ng aming source.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, sobrang singkit ba ng mga mata niya para hindi niya makita ang katotohanan na walang magaganap sa career niya kung ganyan siya kapasaway?

Read more...