BUKOD sa pag-aagawan nina Onay (Jo Berry) at Helena (Cherie Gil) kay Natalie (Kate Valdez), may isa pang dahilan kung bakit na-extend uli ang GMA primetime series na Onanay.
‘Yan ay walang iba kundi sa patok na patok na tambalang LuNay, ang loveteam nina Onay at Lucas (Wendell Ramos).
Talagang inaabangan gabi-gabi ang mga nakakakilig na eksena nina Jo at Wendell sa kabila ng mabigat ng conflict sa kanilang mga karakter.
Sa isang panayam, tinanong si Jo kung kinikilig ba siya kapag kaeksena ang hunk actor sa kanilang serye, aba, mabilis itong sumagot ng, “Oo naman!”
Aniya pa, “Siyempre happy kasi ang daming gustong ka-work si Wendell. Isa ‘yun sa privilege ko siyempre. Super nice pa siya in person.”
Inamin ng Kapuso actress na nu’ng una ay hindi siya kumportableng kaeksena si Wendell pero dahil sa kabaitan at pagiging down to earth ng aktor mabilis ding nawala ang kaniyang pagkailang.
“May ilang factor, siyempre, kasi hindi ako sanay na sweet-sweet-an tapos hindi ko naman s’ya laging nakakasama like Mikee and Kate. Pero nu’ng lagi ko na siyang nakakasama, very caring s’ya sa akin kaya nawala na rin ‘yung ilang.”
Excited na siya sa magiging takbo ng LuNay loveteam sa serye dahil hindi pa nabubunyag ang pinakamalaking sikreto ng karakter ni Lucas – ang pagiging suspek sa panggagahasa kay Onay.
Pero kung siya ang tatanungin, kaya pa bang mapatawad ni Onay ang nang-rape sa kanya? “Feeling ko hindi na. I think, for Onay, grabe ang paghihirap niya. ‘Di ‘yun something na papatawarin mo lang kahit ano pang gawin niya,” dagdag pa ni Jo.
Patuloy na tutukan ang Onanay after Cain At Abel sa GMA Telebabad.