‘Exorcist’ bishop, 1 pa dakip sa pot session

ARESTADO ang obispo ng isang grupo ng mga paring Kristiyano na nangangasiwa umano sa “exorcism,” o pagpapalayas ng mga demonyo, at isa pang lalaki, sa operasyon kontra iligal na droga sa Bacoor City, Cavite, Huwebes.

Kabilang sa mga inaresto si Bishop Richard Alcantara, ng Sacred Order of St. Michael (SOSM), na nahuli sa akto ng paggamit ng hinihinalang shabu, sabi ni Senior Supt. William Segun, direktor ng Cavite provincial police.

Ang SOSM, ayon sa website ng grupo, ay isang grupo ng mga paring Kristiyano na nagsasanay at nangagasiwa sa pagpapalayas ng mga demonyong sumasanib sa tao, pero hindi pinamamahalaan ng Vatican.

Kasama ni Alcantara na nadakip ang mangingisdang si Perlito Alibay, habang ang isa pa nilang kasam na si Fernando Dacuma alyas “Nanding” ay nakatakas.

Isinagawa ng mga tauhan ng Bacoor City Police ang operasyon dakong alas-5 ng hapon, sa Tagumpay compound, Tabing-Dagat, Brgy. Alima.

Nakabili kay Dacuma ng isang sachet ng shabu ang pulis na nagpanggap bilang buyer, pero agad tumakas ang suspek nang magpakilala ang alagad ng batas, ani Segun.

Kasabay nito, napansin ng mga operatiba na sa naturang lugar ay may dalawang nagpa-pot session kaya dinakip ang mga ito.

Doon na nalaman ng mga pulis na isa sa kanila ay si Alcantara, isang obispo ng SOSM. 

Read more...