Mag-TNT— style pa rin ng Pinoy!

PAHIRAPAN ang pagkuha ng visa para sa isang Pilipino.

Kahit pa lehitimong biyahe ang gagawin ng Pinoy, kahit ilang araw lamang sana, magpapagamot, dadalaw sa kamag-anak o di-kaya’y mamamasyal lang bilang turista, halos lumusot ito sa butas ng karayom mabigyan lamang ng visa para sa kaniyang paglalakbay.

Ngunit kadalasan pa nga, hindi sila nabibigyan ng visa. Hindi kasi nila makumbinsi ang mga consul officers na babalik talaga sila ng Pilipinas.

Mas matindi pa nga kung single o walang asawa ang isang aplikante o di kaya’y kahit mag-asawa pa nga, ngunit wala namang anak. Sila kasi ang mga tipong walang babalikan sa bansa kung kaya’t walang dahilan para umuwi pa nga naman sila ng Pilipinas.

Hindi naman kailangang magpakita ng pagkarami-raming ari-arian o malaking halaga ng deposito sa banko ang isang aplikante. Hindi kailangan iyon. Hindi ito ang basehan upang makapasa at mabigyan ng visa ang isang Pinoy.

Mayroong mag-asawa na nag-apply ng visa upang makadalo sa kasal ng kanilang anak sa abroad.

Ngunit isa lamang sa kanila ang nabigyan ng visa at hindi nakakuha ang asawang babae. Matutuloy naman umano ang kasal kahit wala ang nanay nito.

Ganyan katindi ang pinagdadaanan ng Pinoy makaalis lamang ito. Pero bakit nga ba dumadaan tayo sa ganito kahirap na proseso, hindi tulad ng ibang mga lahi na hindi na kailangang mag-apply pa ng visa at puwede namang bumiyahe ng bumiyahe kahit saan nila gusto, kahit gaano pa nga kadalas iyon?

Ang dahilan? Kapwa Pinoy din natin ang puno’t dulo ng malaking problemang kinakaharap ng Pilipino ngayon.

Palibhasa kapag nakapag-abroad na, magugustuhan na nito ang mamuhay sa bansang pinuntahan. Nagandahan at nasarapan sa klima doon. Madaling maghanap-buhay, malaking halaga ang kinikita kapag ipinalit na ang dolyar sa piso, disiplinado ang tao, may kapayapaan, tahimik at sumusunod sa batas.

Kung ito ang mga dahilan upang mas pinipili pa ng Pinoy na huwag nang umuwi kahit pa manatili na siya nang ilegal doon o ang mga tinatawag na over-staying, sadya silang sumusuway sa mga batas ng Immigration sa bansang napuntahan. Ito naman ang magtutulak sa mga bansang ito na maghigpit ang pamahalaan upang higit na paigtingin ang pagbabantay sa pagpapapasok sa mga dayuhan na sa tingin nila’y potensiyal na magtatago lamang at wala nang balak pang bumalik ng bansang pinanggalingan.

Lumang style na kasi ng Pinoy ‘yan. Mag-tuturista pagkatapos ay maghahanap na ng trabaho at pagkatapos hindi na uuwi. Doon na mag-aasawa, magpapamilya, tatanda hanggang sa mamatay.

Ipagpipilitan nilang manatili sa abroad hanggang maging legal ang kanilang status kahit bumilang pa iyon ng maraming mga taon ng paghihintay.

Hanggang kailan kaya magbabago ang kaisipang ito ng Pinoy? Bakit kailangang ipagpilitan ang isang bagay na alam na alam namang nilang mali pero sa bandang huli, umaasang maitutuwid naman umano ang pagkakamaling iyon sa paglipas ng mga panahon.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...