DAPAT buwagin ang mga batas na mapa-nganib sa tao. Ang batas ay para sa kabutihan ng tao. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Heb 6:10-20; Sal 111:1-5, 9-10; Mc 2:23-28) sa paggunita kay San Vicente, diyakono’t martir, sa Martes sa ikalawang linggo ng taon.
Dalawang pangunahing batas ang dapat buwagin at/o baguhin dahil ito’y naging mapanganib sa tao at taliwas sa katotohanan: batas pabor sa batang hamog ni Pangitlinan (ang pangit kasi ng batas) at Automated Election (RA 8436, 1997). Bata’t kabataan ang sangkot sa krimen at ang demonyong batas ni Pangitlinan ang kanlungan. Sa nakalipas na tatlong eleksyon, techie ang pandarayang di maarok ng karaniwan kaya lumalakas ang panawagang amyendahan ito at baguhin ang seguridad ng transmission ng resulta ng halalan, todong rebisa sa source code, bukas at malinaw na digital forensics at bukas at bagong teknolohiya ng pagbibilang. Isang gabi lang nailuklok na ang mga kandidato ng Smartmatic.
Sa mga kontrang baguhin ang batas-Pangitlinan, subukang tumambay, maglakad o manirahan sa Bagong Silang, North Caloocan; Payatas A at B, Holy Spirit, Batasan Hills, Quezon City; Baseco, North Harbor at Radial sa Maynila; at Bay Boulevards (North at South) sa Navotas; o magmaneho sa gabi sa C5 at NLEX.
Kahit kabilang kayo sa bupete ni Atty. Estelito Mendoza, wala kayong madedemandang batang hamog ni Kiko.
Huwag isangkalan ang UN Convention ek-ek. Hindi umubra yan sa London at Bagong Silang, NC. Sa London, ibinaba sa 7-anyos ang pananagutang kriminal dahil sa isang insidente (dinukot, binugbog at pinatay ng dalawang 10-anyos ang 2-anyos na sanggol). Sa Bagong Silang, mismong vigilantes ang pumapatay sa mga batang hamog dahil pinalalaya lang sila ng mga tanod at purok leader para muling maghasik ng lagim.
Noong ’50s, binubugbog ng taumbayan at batang-kabo ang mga juvenile delinquents sa Gastambide, San Anton, M.V. De los Santos, Reten at Lepanto. Bagaman may nakukulong, nakalulusot sila sa batas dahil sa demonyong lagayan at bangketahan ng kaso. Bugbog ang remedyo ng taumbayan noon; hindi salvage. Nabawasan ang mga batang siga. Wala pang droga; naka-Tanduay lang ang mga hamog.
Kung makalulusot, ang ARMM ay hangad baguhin ng BOL. Sa ARMM, mas lalong yumaman ang mga politiko at mas lalong lumala ang kahirapan at tunggaliang tribu. Maaaring mapalitan ang mga politiko ng mga rebelde, na ayaw ng ilang Moro. May isa o dalawang pangkat ng rebelde na maiiwan ng tren ni Duterte at ang mangyayari ay taga-Mindanao lamang ang nakatatalos kaya walang karapatang pumuna ang taga-Luzon. Sabaw ng pusit? Malabo?
Nakagagalit. Wala pa ring hustisya sa mga balo’t naulila ng Mamasapano massacre. Sa unang anibersaryo hangad ng mga balo’t naulila na makalaboso si B.S. Aquino 3. Hindi natutulog ang divino. Unti-unti nang kinakain ng anay ng karma (gaba sa Bisaya) si Aquino. Mumultuhin na siya ng namatay na SAF 44, mga batang sinaksakan ng Dengvaxia, mga binastos na bangkay sa Yolanda. Nakita na siya ng Diyos, at naghihintay lang, ani Leo Tolstoy. Kinakarma na rin ba si Kris? Ang ligalig ay isang paraan ng paniningil.
UST (Usaping Senior sa Talakayan, sa San Jose, Bulakan, Bulacan): Life expectancy: 80. Boundary: 70.
Nagdudulot sa kanila ng lakas ang pag-aalaga ng apo, sa kabila ng masasakit (marurupok) na mga buto at naiipit na baga dahil sa hingal. Kapag apo, gagawin ang lahat, pati na ang paliligo at pagpalit ng nangamoy na lampin. Iyan ang katangiang meron lang ang Pinoy; mahirap na masarap para sa seniors.
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Pag-asa, Obando, Bulacan): Kumakalat ang fake news sa teritoryo ng Diocese of Malolos. Utos daw ni Duterte na huwag magsimba sa National Shrine of Our Lady of Fatima at National Shrine of the Divine Mercy. Sa Fatima, madaling mapuno ang dambana dahil di ito malaki.
Sa Divine Mercy, nagdagdag pa nga ng Misa dahil dumarami na ang tao sa may apat na ektaryang lawak nito.
PANALANGIN: St. Thomas Aquinas (ikaapat na nobenaryo sa kapistahan sa Enero 28) manatili kaming nakaugat sa katotohanan. Amen.
MULA sa bayan (0916-5401958): Hindi kailanman papayagan ang BOL dito. …5498, Barangay 5A, Davao City.