Maymay pinag-aaral din ang 3 pinsan; may pangarap para sa kanila ni Edward

KUNG may pangarap si Maymay Entrata para sa kanyang sarili at sa ka-loveteam na si Edward Barber, ‘yan ay ang makatapos sila pareho ng pag-aaral.

Ayon sa PBB Lucksy Season 7 Big Winner, naniniwala siya na mahalaga pa rin sa isang artistang tulad niya ag maka-graduate at makakuha ng college diploma.

“Gusto ko na kami ni Edward, pareho kaming naka-graduate, makapagtapos ng pag-aaral,” ani Maymay sa isang panayam.

Maituturing na role model ng mga kabataan si Maymay dahil hindi lang ang kanyang mga kapatid ang tinutulungan niyang makapag-aral kundi pati na ang tatlo niyang pinsan.

“May pinag-aaral po ako ngayon, tatlong pinsan ko po. Nag-promise kasi ako sa kanila, kasi nga galing din po sila sa broken family.

“Kasi ako na rin ang parang tinuturing nilang ina, kaya sabi ko ‘paaaralin ko kayo.’ Tsaka honor students po sila,” kuwento ni Maymay nang mag-guest siya sa Magandang Buhay kamakailan.

Lumaki sa Cagayan de Oro ang dalaga, ang kanyang lolo at lola ang nag-alaga sa kanya habang nagtatrabaho bilang OFW ang kanyang nanay sa Japan. Kaya ang sabi ni Maymay, gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga kapamilya.

Isa pa sa mga pangarap niyang matapos ay ang ipinapagawang niyang bahay sa probinsya.

Nang hingan ng mensahe para sa milyun-milyong MayWard fans na walang sawang sumusuporta sa career nila ni Edward, ito ang nasabi ng Kapamilya youngstar, “Siguro ang maa-advise ko rin sa lahat ng kagaya ko na nangangarap, dapat hindi lang isa ang goal nila, dapat tatlo o dalawa. Para at least kung hindi man para sa ‘yo ang isa, may dalawa pa.”

Read more...