Nabalutan ng lungkot ang taping ng Wowowin nu’ng nakaraang Martes nang hapon.
Napakasaya ng opening ng show ni Willie Revillame, nakikisayaw sa kanilang mga dancers ang studio audience, sigawan sila nang sigawan at nagpapalakpakan.
Pero may dalawang studio audience na nahulog sa bleacher, nawalan sila ng panimbang, kaya tuluy-tuloy na nahulog sa floor. Tumama ang isa sa fire extinguisher at ang isa naman ay parang bumagsak.
Agarang itinakbo sa pinakamalapit na ospital ang dalawang manonood, hindi na nakaligtas ang isa, at ang isa pa ay napilayan.
Sobrang lungkot ng buong produksiyon sa naganap, halos hindi makapagsalita si Willie, dahil napamahal na sa kanya ang lahat ng mga kababayan nating nagluluwasan mula sa malalayong probinsiya para lang manood ng Wowowin.
Sa sobrang saya ng audience ay mahirap talagang kontrolin ang manonood, pero meron namang mga security men na tumututok sa kanila, naging biglaan lang ang aksidente.
Si Willie Revillame pa ba naman ang magkukulang sa ganu’ng sitwasyon? Agad niyang ipinadala sa Delgado Hospital ang dalawang manonood, pinatutukan sa kanyang staff ang kalagayan ng mga naaksidente, napakamatutok ni Willie sa mga ganu’ng pagkakataon.
Malungkot na malungkot ngayon ang aktor-TV host, wala nga naman siyang gusto kundi ang magpasaya ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng Wowowin, pero hindi niya naman hawak ang emosyon ng mga kababayan natin kapag nagsisimula na ang programa.