SINUNOG ng mga umano’y kasapi ng New People’s Army ang mga heavy equipment at ilan pang gamit ng construction company na nagtatayo ng hydropower dam sa Real, Quezon, Lunes ng gabi.
Aabot sa 10 armadong rebelde, na kinabilangan umano ng ilang babae, ang sumalakay sa pinagtatayuan ng mini-hydro dam sa Sitio Pandarawan, Brgy. Maragondon, sabi ni Brig. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, commander ng Army 202nd Brigade.
Natutulog ang mga tauhan ng Pacific Summit Construction Group Inc. nang pumasok ang mga rebelde, sila’y ginising, at pinadapa sa isang lugar, bago nanunog ang mga ito, aniya.
Sinabi sa mga awtoridad ni Agustin Jaramillo Jr., project manager ng dam, na nasunog ang kanilang makeshift office, tatlong dump truck, dalawang backhoe, isang generator set, transit mixer, loader, L300 van, at sira nang pick-up.
Nagpakalat na ng tauhan ang Quezon Provincial Mobile Force Company at Army 80th Infantry Battalion para magsagawa ng clearing operation at tugisin ang mga salarin.
Inalerto na rin ang pulisya at iba pang ahensiyang pangseguridad sa mga kalapit-lugar dahil sa insidente.
Sa kaugnay na balita, narekober naman ng 1st Infantry Battalion ang isang M653 rifle at Bushmaster rifle na itinago ng mga rebelde sa Brgy. Bacao, Taysan, Batangas, Martes.
Natunton ang mga armas sa tulong ng ilang rebeldeng sumuko sa mga tropa ng pamahalaan, ani Burgos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.