HINDI lang ang figure ng iyong katawan ang iyong dapat inaalagaan. Dapat pati ang iyong mental health.
Mas cool kung ikaw ay happy kesa naman depressed di ba?
Nagsagawa ng pag-aaral ang isang team mula sa isang unibersidad sa London sa 2,148 katao na edad 50 pataas at nagbigay ng mga paraan para mas maging healthy ang pag-isip.
Manood
Lumalabas na ang mga tao na nakakapanood ng movies, plays o exhibition ay mas mababa ng 32 porsyentong ang tyansa na magkaroon ng depresyon. Ang mga gumagawa nito ng isang beses kada buwan ay mas mababa ng 48 porsyento ang chance na ma-depressed.
Bukod sa sine, nakakatulong din ang pagpunta sa mga museum para hindi ma-depressed.
Gulay
Makakatulong din ang pagkain ng gulay at prutas para bumaba ang tyansa na ma-depressed.
Sa pag-aaral sa 422 kalahok na edad 18-25, lumalabas na mas makatutulong sa mental health ang pagkain ng prutas at gulay na hindi niluto o nakalata.
Mas konti ang nagkaroon ng depressive symptoms at marami ang mayroong positive mood at satisfied sa buhay.
Vitamin D
Sa isang Irish study, lumalabas na ang mga edad 50 pataas na mababa ang lebel ng vitamin D ay mayroong 75 porsyentong chance na magkaroon ng depression.
Nakita ito sa mga participants na mas mababa sa 30 nanograms per milliliter (nmol/L), ang vitamin D level.
Ang mga participant na lagpas sa 50 nmol/L ang vitamin D level dahil sa pag-inom ng supplements at pagkonsumo ng mga pagkain na mayaman dito ay hindi depressed.
Ang liwanag ng araw ay pangunahing source ng vitamin D kaya ang mga taong hindi madalas lumabas ay mas mataas ang tyansa na ma-depressed.
Bingi
Ang mahinang pagdinig ay isa sa mga sanhi ng depression batay sa isang US study.
Pinag-aralan ang isang grupo ng mga taong lagpas 50 taong gulang. Ang mag mayroong mild hearing problem ay mas doble ang tyansa na maging depressed.
Ang mga may severe hearing problem ay apat na beses na mas mataas ang tyansa na ma-depressed. Kaya makabubuti na magpatingin at alagaan ang tenga.
Phone
Sa isinagawang pag-aaral ng mga dalubhasa sa San Diego State University at University of Georgia, sa Amerika, lumalabas na nakakaapekto ang madalas na paggamit ng cellphone sa mental health ng isang tao.
Ang mga teenager na gumagamit ng cellphone ng mahigit sa pitong oras kada araw ay mas mataas o doble ang tsansa na magkaroon ng depression kumpara sa mga gumagamit nito ng isang oras.
Mas masaya rin ang mga teenager na nasa sports o nagbabasa kumpara sa mga kabataan na madalas nakaharap sa screen.
Hindi sinasabi ng mga researcher na itigil ang mga screen activities kundi limitahan lamang ito.