Perpetual, JRU lady spikers agawan sa huling Final Four berth

PAG-AAGAWAN ng University of Perpetual Help System Dalta at Jose Rizal University ang huling Final Four berth sa kanilang salpukan ngayong Huwebes sa women’s division ng NCAA Season 94 volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Bagamat ang Lady Altas ay kasalukuyang nasa No. 4 spot sa hawak na 5-3 karta nakabuntot naman sa kanila ang Lady Bombers, na nasa No. 5 spot sa 4-4 kartada, at kailangang manalo ng Perpetual sa kanilang alas-12 ng tanghali na laban para dumiretso sa semifinals. Kung mananaig ang JRU makakatabla sila sa ikaapat na puwesto at makakausad sa Final Four bunga ng mas mataas na tiebreak points.

Ang magwawagi sa laban ay makakasagupa naman ang College of St. Benilde, na nagtapos na kasalo ang defending champion Arellano University at runner-up San Beda sa magkakaparehong 8-1 kartada.

Nakuha ng St. Benilde ang top seeding bunga ng mas mataas na quotient score.

Nagtapos naman ang Lady Chiefs bilang No. 2 seed habang ang Lady Red Spikers ay nalagay bilang No. 3 seed, na nangahulugan na hawak ng Arellano ang twice-to-beat advantage sa kanilang salpukan sa Final Four.

Samantala, pipilitin ng Altas at Junior Altas na makumpleto ng pagwalis sa lahat ng kanilang siyam na laro sa elimination round para dumiretso agad sa Finals sa pagharap nila sa Heavy Bombers at Light Bombers sa kanilang mga laro dakong alas-10 ng umaga at alas-8:30 ng umaga, ayon sa pagkakasunod.

Walang bahid ng talo sa walong laro, puntirya ng Perpetual Help ang ika-12 men’s crown at ika-11 high school title sa torneo.

Read more...