MULING gumawa ng kasaysayan si San Miguel Beermen center June Mar Fajardo sa ginanap na Philippine Basketball Association (PBA) Leo Awards sa Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ito ay matapos na tuluyang sementuhan ni Fajardo ang sarili bilang isa sa pinakamahusay na manlalaro sa kasaysayan ng PBA sa pagsungkit niya ng ikalimang diretsong MVP award sa ginanap na Leo Awards bago ang opening ceremonies ng PBA Season 44.
Bunga ng nakopong parangal, nalagpasan ni Fajardo, na mayroon ding pitong Best Player of the Conference award, nalagpasan niya para sa pinakamaraming MVP award ang mga PBA Legend na sina Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio, na kapwa may apat na MVP.
Nakalikom si Fajardo ng kabuuang 2,436 puntos mula sa stats at mga boto mula sa media, players at PBA habang ang second placer na si Stanley Pringle ng NorthPort Batang Pier ay nakaipon ng 2,041 puntos.
Naging malaking bentahe ng San Miguel Beer slotman ang pagkapanalo niya ng BPC trophy sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup sa nakaraang season para mapalakas ang tsansang mauwi ang pangunahing indibiduwal na parangal ng liga.
Maliban sa kanyang MVP award, napabilang din ang 6-foot-10 big man na si Fajardo sa All-Defensive Team kasama ang kakampi sa San Miguel Beer na si Chris Ross, Magnolia players Rome dela Rosa at Rafi Reavis at Rain or Shine swingman Gabe Norwood, na nauwi ang kanyang ikatlong Samboy Lim Sportsmanship Award.
Nakasama naman nina Fajardo at Pringle sa Mythical First Team sina Magnolia guard Paul Lee, San Miguel Beer swingman Marcio Lassiter at Barangay Ginebra forward Japeth Aguilar.
Tinanghal si Gin Kings guard Scottie Thompson, ang 2018 Commissioner’s Cup Finals MVP, bilang Most Improved Player.
Napabilang din si Thompson sa Mythical Second Team kasama sina Magnolia playmakers Mark Barroca, San Miguel Beer forward Arwind Santos, Blackwater center Poy Erram at Phoenix guard Matthew Wright.
Kinilala naman si Jason Perkins ng Phoenix bilang Rookie of the Year award.