Ninakaw na passport data, ano ang puno’t dulo?

ITONG si Foreign Affairs Secretary Teddy “Boy” Locsin Jr. ay bihirang sumabog sa publiko. Pero, dito sa nawawalang passport data ng sambayanang Pilipino na ayaw umanong isoli sa gobyerno, talagang nagpupuyos siya sa galit.
Noong Agosto 2006, panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, may MOA (memorandum of agreement) ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Foreign Affairs (DFA) para mag-imprenta ng mga Machine readable passports (MREPs) alinsunod sa standards ng International Civil Aviation Organization (ICAO). Kinontrata ng BSP sa pamamagitan ng isang bidding ang Francois-Charles Oberthur Fiduciare (FCOF) ng bansang France.
Maayos ang naging takbo ng MREPs ng BSP at pagsunod nito sa world standards, pero noong umiinit na ang plano ng Aquino administration na mag-imprenta ng E-passports..
Noong July 20, 2015, may Live demonstration ng “e-passport” si dating Pangulong Noynoy Aquino sa high security plant ng APIU sa Malvar Batangas.
Walong buwan bago mangyari ito, pumasok noong Nov. 14, 2014 ng “joint venture agreement” ang APIU at United Graphic Expression Corporation (UGEC) para mag-imprenta ng mga bagong “e-passports” kahit wala pang approval ni DFA sec. Albert Del Rosario.
Matapos ang “live” ni PNoy noong Hulyo, October 15, 2015, saka lang lumabas ang MOA (walang public bidding) ng DFA at APO (UGEC) sa kanilang e-passport project.
Hindi sinali ang BSP kahit ito ang may mandato na mag-imprenta ng pera, pasaporte, torrens title, excise taxes at 15 pang security documents tulad ng mga bonds, at stocks. Sa totoo lang, pati “excise taxes stamps” ay kinuha na rin ng APO-UEGC sa halip na sa Bangko Sentral.
Kaya naman pagpasok ng Duterte administration noong 2016, iniutos nitong ibalik sa BSP ang pag-imprenta ng mga e-passports.
At noong 2017, inatasan ang United Graphic Expression Corporation (UGEC) na i-turn over sa gobyerno ang lahat ng “passport data” nang mahigit 8M passport holders, pero hanggang ngayon ay hindi sumusunod.
Kaya naman, marami tayong tanong.
Bakit naglunsad ng e-passport project ang PNoy administration nang hindi kinukunsulta ang Bangko Sentral ng Pilipinas?
Bakit ibinigay ni PNoy sa pribadong kumpanya, APO-UGEC ang pag-imprenta ng e-passports na isang “public security document” na trabaho ng Bangko Sentral?
Ligtas pa ba ang integridad ng ating mga e-passports kapag ganitong “private sector” ang gumagawa?
Bakit pati “excise stamps” ng BIR ay ibinigay din ni PNoy sa APO-UGEC kahit poder ito ng Bangko Sentral? Naalala niyo ba ang Mighty sports na pinagmulta ng P40-B dahil sa mga pekeng BIR excise taxes?
Bakit nagmamadali ang PNoy administration sa e-passports project noon, isang taon bago siya umalis ng pwesto, gayong ang legal na paraan ay idaan sa Bangko Sentral ang lahat ng transakyon?
Bakit may nagsasabi na overpriced daw sa P950-P1280 ang presyo ng e-passport gayung P700 lang ang halaga nito?
Bakit itong si PCOO chair Martin Andanar ay pinayagang ituloy ng APO-UGEC ang illegal nitong pag-imprenta ng e-passports sa kabila ng naunang order nina da-ting DFA sec. Perfecto Yasay at Presidential Legal Counsel Salvador Panelo?
Bakit noong panahon ni ex-DFA sec. Alan Peter Cayetano inimbestigahan na ng office of the Executive Secretary ang kontrata ng APO-UGEC? Anyare?
Sa totoo lang, nakakatakot ito. Hindi ako magtataka na makayanang gumawa ng APO-UGEC ng pera natin dahil sa malawak na access nila sa “security papers” ng bansa.

Read more...