SILA na naghahanap ay makatatagpo; kung may patnubay ng tala. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 60:1-6; Sal 72:1-2, 7-8, 10-13; Ef 3:2-3, 5-6; Mt 2:1-12) sa dakilang kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon.
Isa sa may pangunahing mga hinahanap ay si Kris, na inilulugmok sa labis na mga ligalig ng buhay. Hindi siya nagdasal sa Diyos, na kanyang sinabihan sa Japan: God I’d let go of all my anger if only he would let me live until my son Bimby turns 18th in seven years. Nakikiamot lang si Kris ng awa sa Diyos na mapagbigay, pero ang katugunan at kaganapan ay di hinaharbat kundi naayon sa Kanyang kalooban, at kung kailan Niya nais na ibigay sa nararapat pagbigyan. Ayon sa Catechism of the Catholic Church, di ikinalulungkot kung di ibinigay ng Panginoon. May dahilan ang Panginoon at Siya lamang ang nakaaalam.
Kapag tinanggal ba ni Kris ang galit sa kanyang puso ay ibibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan na maabot ang ika-18 kaarawan ni Bimby? Ang problema kay Kris ay hindi siya mapagkumbaba. Laki sa yaman, mayabang at ang tapang ay hinuhugot sa poder, na wala na siyang tangan. Sa Ebanghelyo, ang mayabang ay lumalagapak sa kahihiyan at kawalan ng lahat na mahalaga. Wala bang kapatid si Kris na kukupkop kay Bimby at tutustusan ang luho nito (hindi binanggit ni Kris si Josh)?
Di na ako lalarga sa mga sakit ni Kris, kahit na ang bokasyon ay sa sick and the dying (inakay ko sa mapayapang kamatayan ang tanyag na horse racing columnist na si Orlando Primo, na ni minsan ay di man lang tumawag sa Diyos pero nagsisi at namatay sa Banal na Oras ni Kristo). Ang sumira sa kanyang kalusugan ay mismong ang kanyang isip at katawan.
Dahil sa gabay ng tala kay Mayor Sara Duterte, sinabi niya na komunista at tagapagtayod ng NPA ang Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at Migrante. “These militant groups, who masquerade as pro-people, only want to sow hostility and chaos, especially to those who reject them and the terrorist groups they support — the New People’s Army (NPA), the National Democratic Front of the Philippines (NDFP), and the Communist Party of the Phil-ippines (CPP),” ani Inday.
Oktubre 2018 pa lang ay sinabi na ni Sara na komunista-terorista ang ACT. Bakit lumambot sina Panelo at Albayalde? Magkaiba ang profiling at paniniktik. Ang profiling ay hindi paniniktik at ang paniniktik ay na-profile na. Sa isang barangay tanod outpost sa Barangay Bagong Silang, NC, may profiling ng nahuhuling mga batang hamog bago isangguni sa pulis at DSWD. Ang kanilang profile ay nakasusugpo ng krimen at natututo ang mga tanod hinggil sa bagong mga modus ng mga anak ni Kiko Pangilinan. Ang komunista ay takot sa profiling at National ID dahil mabubuking sila. Nanirahan din ako sa mga bundok ng eastern Bulacan: di umubra ang NPA.
Si ama (Antonino L. Bautista, Manila Police Department) ay naging outpost commander sa labas/tabi ng simbahan ng Quiapo noong mid-’50s. Kahoy ang outpost at angat sa lupa dahil binabaha ang plaza; wala pang Underpass. Walang traslacion at wala pang 20 pulis mula Isaac Peral ang nagbabantay sa prusisyon, na inaabot lamang ng tatlo-limang oras, mula sa paglabas sa simbahan makapananghalian. Nagdarasal at disiplinado ang mga namamanata, di tulad ngayon: lasing o naka-shabung deboto.
UST (Usaping Senior sa Talakayan, sa Santa Cruz 3, San Jose del Monte City, Bulacan): Biglang tumaas ang presyon ng ilan. Ang tema: PERA. “Sa tanda ba namin, di pa kami marunong sa pera?” “Di pa ako nakahawak ng sandangkal na P100.” “Wala sa edukasyon yan. Ang bigasan ko ay lumago hanggang P3 milyon ang umiikot.” “Noon, empleyado ako. Ngayon, perang impok ang naghahanapbuhay para sa akin.” “Wala pang P6,000 ang kita ng tindahan ko. Pero, buhay ang dalawang apo ko.” Financial literacy o wais lang sa pera?
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa San Jose, Bulakan, Bulacan): Natapos ang Pasko sa Bulacan noong Enero 6. Bagaman mahirap ang buhay at mababa ang suweldo sa kanayunan, halos pantay ang bilang ng nagbibigay at tumatanggap. Masamang pangitain pero realidad. Pinipili na ang pagbibigyan.
PANALANGIN: Panginoon, salamat at natagpuan ka namin. Pawiin mo ang aming kahinaan.
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit nang binomba ang mall sa Cotabato City, tahimik ang mga kumaintarista sa Imperial Manila? …Barangay 23C, Davao City