Problema sa no garage, no car bill

HAPPY New Year po sa lahat ng motorista.

Mukhang seryoso ang Senado sa panukalang ipagbawal ang pagbili ng kotse kung walang garaheng pagpaparadahan nito.

Sa ilalim kasi ng Senate Bill 201 ni Senador Sherwin Gatchalian, o ang “Proof of Parking Space Act”, kailangang magpakita ng public affidavit ang isang bibili ng kotse na mayroon siyang garahe para sa nasabing sasakyan bago ito mabibigyan ng dokumento ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na in-charge sa mga motor vehicles.

Layunin ng panukalang batas na alisin ang mga ilegal na nakaparadang kotse sa mga lansangan na isang dahilan ng pagsisikip ng trapiko.

Ang problema ng panukalang batas na ito ay nakasentro lamang ang batas sa Metro Manila.

Ang mga magagaling na kababayan natin ay mabilis na makikita ang butas na ito at agad na tatakbo sa mga probinsiya para doon bumili ng kotse.

Isa pang problema ay ang pagpapalit ng garahe para sa mga bagong kotse noong mga luma. Ilalabas lamang ng may-ari ang lumang kotse para doon iparada ang bago at lusot na siya pero ang layuning bawasan ang obstruction sa kalye ay hindi pa rin masasagot.

Isama na natin d’yan ang “post-review” sa panukalang batas kung saan kailangan pa ireklamo ang may-ari ng kotse bago silipin ng otoridad kung totoo ang affidavit na may garahe siya at makikita natin na palso na naman ang pagkaka-akda ng panukalang batas na ito.

Sa Singapore at London kung saan batas ito, masugid ang inspeksiyon ng otoridad sa garahe bago makabili ng kotse. At ang ahensiya ng pamahalaan ang nagsasabi kung puwede bentahan ng kotse ang bumibili dahil umayon siya sa alituntunin ng batas.

Pero papaano naman natin ito gagawin dito sa atin kung saan simpleng fire extinguisher sa mga paaralan ay hindi maipatupad ng City Hall?

Para sa reaksiyon o suhestiyon ay sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...