850 deboto naratay

UMABOT na sa 850 katao ang dinala sa mga istasyon ng Philippine Red Cross dahil sa iba-ibang karamdamang dinanas at pinsalang tinamo sa kasagsagan ng Traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maynila, Miyerkules.

Naitala ang bilang dakong alas-3 ng hapon, habang nakakalat ang tinatayang 1.03 milyon nang deboto sa iba-ibang kalyeng dinaanan ng andas at sa paligid ng Quiapo church.

Sa mga naratay, 224 ang nilapatan ng lunas para sa “minor” o bahagyang hirap sa paghinga, fainting o pagbuwal, mga sugat, pasa, sakit ng ipin, pagdugo ng ilong, at iba pang sakit ng katawan, batay sa tala ng PRC.

Walo ang itinuturing na may “major case” ng sugat, hirap sa paghinga, pagkahilo, at blunt trauma.

Bukod dito, may tatlo pang pasyente ang itinakbo ng Red Cross sa pinakamalapit na ospital, at may 50 na binigyan ng “psychosocial support.”

Kasama rin sa tala ang 545 katao na mino-monitor ng mga tauhan ng Red Cross para sa altapresyon.

Sa tala ng National Capital Region Police, sinasabing nasa 260,000 katao ang dumadalo sa prusisyon, habang may 100,000 pa sa loob at paligid ng simabahan ng Quiapo, dakong alas-3.

Ilang oras bago ito, dakong alas-6 ng umaga, tinatayang 800,000 deboto ang sumabay sa pag-usad ng andas malapit sa Manila Hotel.

Umaasa ang pamunuan ng Quiapo church na maipapasok sa simbahan ang imahe ng Itim na Nazareno matapos ang 20 o 21 oras, bahagyang mas maaga kaysa sa prusisyong inabot ng mahigit 22 oras noong nakaraang taon.

Read more...