GUSTO ko po sanang ikonsulta ang kaso ng kasamahan ko sa trabaho. Sa opisina po ako nakabase. Naaksidente po kasi siya habang namamalengke. Sa restaurant po kami nagtatrabaho. Natapilok at naitukod niya ang kanyang kamay, dahilan nang pagkabali ng buto nito sa kanang hinlalaki ng daliri niya.
Pinahilot ito ngunit lalong namaga. Magang-maga ito makalipas ang limang araw matapos ang insidente. Sinagot ng amo ko ang gastos para sa minor surgery na umabot ng P8,000 dahil nilagyan ng bakal. Nakatakda po siyang mag-file ng Employees’ Compensation (EC) sa SSS (Social Security System). Dapat po bang ibalik ng employee ang ginastos ng emplo-yer?
Sana po ay matugunan ninyo ang aking katanungan.
Maraming salamat po.
Bb. Michelle
Ludovice
REPLY: Ito ay tugon sa katanungan ni B. Michelle Ludovice patungkol sa Employees’ Compensation Program.
Para sa kanyang kaalaman, ang Employees’ Compensation (EC) Program ay isang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawang nagkasakit, naaksidente o namatay sanhi ng trabaho. Ibinibigay lamang ang benepisyo ng EC sa mga miyembrong may employer.
Tanging ang employer ang nagbabayad ng kontribusyon sa EC ng kanyang empleyado.
Bago matukoy kung ang pagkakasakit, pagkaaksidente o pagkamatay ay konektado sa trabaho, hinihingi ng SSS ang accident report na nilagdaan ng supervisor at employer, at detalyadong pagsasalarawan ng trabaho upang matukoy kung ito ay bahagi ng kanyang trabaho. Ilalakip ang mga ito sa kanyang EC sickness claim. Kapag naaprubahan na ang EC claim, maaari na siyang mag-file ng SSS sickness claim sa ilalim ng Double Recovery Program, kung siya ay kwalipikado.
Kung nagamit na ng miyembro ang 120 araw para sa SSS sickness be-nefit, siya ay hindi na kwalipikado sa Double Recovery Program. Bunga nito, maaari lamang siyang mag-file para sa EC sickness benefit.
Ang employer na nagbayad sa mga gastusin sa pagpapagamot ng kanyang empleyado ay maaaring mag-file ng EC Medical Reimbursement. Punan lamang niya ang EC form at ilakip ang mga orihinal na resibo ng mga binayaran kasama ang mga charge slip, listahan ng mga gamot, supplies, at iba pa.
Samakatuwid, hindi kailangang singilin ng employer sa kanyang empleyado ang halaga ng ginugol para sa pagpapagamot dahil maaari niya ito i-reimburse sa ilalim ng EC. Maaaring mag-file ng EC sa pinakamalapit na sangay ng SSS.
Nawa’y nabigyan po namin ng linaw ang katanungan niya. Salamat po.
Sumasainyo,
May Rose DL
Francisco
Social Security
Officer IV
SSS Media Affairs
Department
Noted:
Ma. Luisa P. Sebastian
Vice President
Public Affairs and Special Events Division 9247295/9206401 loc 5053
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.