NAILIPAT na ng kulungan si Janet Lim Napoles, na hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo kaugnay ng pork barrel fund scam.
Natanggap ng sulat ang Sandiganbayan First Division kahapon mula kay Taguig City Jail Warden Chief Inspector Editha Roallo Balansay at sinabi na nailipat na si Napoles sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
“The said, Janet Lim Napoles was properly turned-over to Correctional Institution for Women, Mandaluyong City, escorted by 12 STAR Team escorts from BJMP-National Capital Region Police Office, headed by Superintendent Bernade Ruiz and 11 personnel of this unit,” saad ng sulat.
Nabatid na inilipat si Napoles noong Biyernes, alas-4 ng hapon. Ito ay ilang oras matapos na ibasura ng korte ang apela ni Napoles na hayaan na lamang siyang nakakulong sa Camp Bagong Diwa.
Si Napoles ay napatunayang guilty sa kasong plunder kaugnay ng P224.5 milyong pork barrel. Napawalang-sala naman si dating Sen. Ramon Bong Revilla Jr., sa kaso.