EB, Wowowin pagsasamahin ni Michael Angelo sa isang show


INAMIN ng TV host-comedian-businessman na si Michael Angelo Lobrin na saludo siya sa noontime show na Eat Bulaga dahil hanggang ngayon ay marami pa rin itong napapasayang tao.

Bukod sa comedy show niya sa GMA News TV na #MichaelAngelo: The Sitcom na umabot na sa season 13, ibinalita ni Michael Angelo na plano na rin niyang gumawa ng game show.

Tinanong namin si MA kung ginagaya ba niya ang Eat Bulaga na nakilala sa ganitong concept, “Well, hindi po kami mahihiyang sabihin na iyon po ang tinitingnan namin pero itu-twist lang po namin, puwede pong sabihin na combination ng Eat Bulaga at Wowowin.

“Siyempre hindi naman namin gagayahin kasi mas mahusay po sila, pero may ganu’ng touch ang binabalak namin, game and variety show. May kumakanta at sumasayaw kasi gusto kong i-maximize ‘yung talent ng aking mga artista,” sabi ni Michael Angelo sa amin.

Halos kapareho rin ng gagawin nilang Lenten Special ang ipinalalabas sa Eat Bulaga tuwing Holy Week, ang pagkakaiba lang ay tatlong beses ito mapapanood sa isang araw kumpara sa EB na sa tanghali lang.

Ani Michael Angelo, “Hindi lang po sa hapon ito mapapanood, may replay din sa gabi at may bonus pa, at sana po matuloy din ang balak naming #Michael Angelo Lenten Reflections sa umaga. Kaya mapapanood na sa umaga, hapon at gabi.”

Anyway, sa pagpasok ng Season 13 ng #MichaelAngelo: The Sitcom simula Enero 27 (Linggo) ay may mga bagong ipakikita ang programa, kabilang na ang mga bagong karakter na maghahatid din ng inspirasyon sa mga viewers. Kasama pa rin dito sina Derrick Monasterio, Betong Sumaya, John Feir, Maey Bautista at marami pang iba.

“Sa awa po ng Diyos at tulong ng sponsors, umabot na po sa season 13 ang sitcom namin at siyempre may mga bagong katatawanan, bagong kuwento at siyempre mga karakter na magbibigay ng katotohanan at inspirasyon sa buhay.

“Lumalaki po ang pamilya ng sitcom at iyon po ang pangarap natin, na walang nawawala sa cast kundi madagdan kasi mas masaya kung marami,” sabi pa sa amin.

Oo nga, ang daming sponsors ng programa tulad ng Bounty Fresh, Chooks To Go, Uling Roasters, Hanabishi, Bon Appetea, Owwe, Reyal, Papa Dans, RC Cola, Skin Magical, JGX at PCSO.

Nabanggit din ni Michael Angelo na kung sakaling may mga mangangailangan ng tulong sa PCSO ay puwedeng sa kanya na dumiretso.

q q q

Mahusay magsalita ang komedyante dahil isa rin siyang inspirational (public) speaker. Talagang pinakikinggan namin siya habang idinedetalye ang kanyang mga adhikain pati na ang tungkol sa mga bago niyang negosyong, kabilang na ang pagbebenta niya ng organic vinegar, ang Simply Suka.

Kaya natanong din siya kung plano ba niyang pumasok sa politika, “Marami pong nagtatanong sa akin kung magpopolitiko ako, ang mga Lobrin po ay pulitiko sa Batangas, ang lolo ko po ay congressman dati sa Lipa.

“Sa ngayon po wala akong balak, ang isang trabaho ko po ay adviser ng mga pulitiko, ghost writer, speech writer at ang hawak ko po ngayon siyam na senador, 30 congressmen at apat na gobernador. So, consultancy lang po ako, medyo magaling po ako sa branding.

“Although I’m into politics, malinaw po ang values ko, I always tell my politician clients na at the end of the day it’s still about public service,” paliwanag ni Michael Angelo.

May isang kongresista raw na idinaan sa biro ni Michael Angelo na siyam na taong naglingkod with P70 million budget every year pero ang naging project lang daw ay puro “Oplan Tuli.”

“Tsinek ko ang distrito niya, ‘ito lang ang programa mo, Oplan Tule?’ Sabi ko congressman, tumigil ka na. Gumawa ka nang matibay na programa,” natatawang kuwento ni MA.

Natanong din si Michael Angelo kung nagpagawa na sa kanya ng speech si Presidente Rodrigo Duterte, “I hope sana po, pero honestly, walang chance, pero may mga kaibigan po ako na nakaupo ngayon sa administrasyon. Nagbibigay po ako ng ilang points sa kanila, kasi alam naman po na medyo tumultuous (natawa) ang pamamaraan din. Wala pong problema kung i-quote n’yo ako.

“I support the President but there are some policies that I cannot, that I really cannot…I respect the values for life, but I support the President and in fact nagkaroon ako ng chance na makilala siya sa Go Negosyo. Kung bibigyan ako ng pagkakataon, I’d like to help the president, but sa ngayon po, wala po,” pag-amin nito.

Para sa karagdagang inquiries kay Michael Angelo, maari siyang i-email sa michaelangelo.life@gmail.com.

Read more...