Pacquiao humahatak pa rin ng mga tao sa LA

MAHIGIT dalawang taon na ang nakalipas nang huling lumaban sa Estados Unidos si Manny Pacquiao subalit halos tulad pa rin ng dati ang nangyari sa kanyang pagbabalik sa Los Angeles.

Ito ay dahil humahatak pa rin ang Filipino boxing superstar ng maraming tao kapag siya ay nag-eensayo at hindi pa rin niya binibigo ang kanyang mga fans.

Matapos ang kanyang morning workout nitong Linggo (PH time), masayang nagpakuha ng litrato at pumirma ng autograph si Pacquiao sa kanyang mga tagasuporta na nag-abang sa kanya sa parking area ng Pan Pacific Park.

Ipinagpatuloy din niya ang ensayo sa hapon kung saan nagsagawa ito ng walong round ng sparring laban kina Arnold Gonzalez at George Kambosos Jr. at apat na round ng mitts kasama si Freddie Roach sa Wild Card Gym.

Idedepensa ni Pacquiao (60-7-2, 39 knockouts) ang kanyang hawak na World Boxing Association (WBA) welterweight title laban kay Adrien Broner (33-3-1, 24 KOs) ngayong Enero 19 (Enero 20, PH time) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.

Ang 40-anyos na si Pacquiao ay lalaban sa Estados Unidos sa unang pagkakataon magmula nang itala ang panalo kontra Jessie Vargas noong Nobyembre 2016.

 

Read more...