Ex-OFW pinatay ang misis, nag-suicide din sa labas ng simbahan sa Camiguin

BINARIL at napatay ng isang dating overseas Filipino worker ang kanyang misis bago nag-suicide sa labas ng simbahan sa bayan ng Catarman, Camiguin, ganap na alas-8:40  kaninang umaga, ayon sa pulisya.

Kinilala ng Catarman police ang  biktima  na si Ivy Linao, 35,  isang  municipal employee sa Catarman, samantalang nakilala ang pumatay sa biktima na si Celmar Linao, 37.

Base sa imbestigasyon, tinutukan ng .45 caliber na baril ng mister ang kanyang misis habang isinasagawa ang misa.

Sinabi ng mga nakasaksi na tinangkang barilin ni Celmar ang biktima sa loob ng  San Roque Parish church sa Barangay Poblacion, Catarman, bagamat hindi pumutok ang baril.

Tumakbo ang misis papuntang gilid ng pasukan ng simbahan, bagamat hindi naman makatakbo ng mabilis dahil kasama ang isa sa mga anak.

Pito ang anak ng mag-asawa.

Idinagdag ng pulisya na tinamaan si Ivy sa kaliwang braso habang tinatangkang protektahan ang kanyang mukha, bagamat tumagos sa kanyang bungo, na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Matapos barilin ang kanyang misis. nagbaril sa sarili si Celmar, na dahilan ng kanyang pagkasawi.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang  .45 caliber pistola at dalawang basyo ng bala. 

Read more...