HINDI pa man nakaaalis ng bansa, naaabuso na at napagsasamantalahan na ng mga recruitment agency ang kanilang mga aplikante.
Nang iniwan si MJ ng mister nito, nag-desisyo siyang magtrabaho na lamang bilang isang OFW. Bilang isang single mother, ito na lamang ‘anya ang tanging paraan upang maitaguyod niya ang kaniyang pamilya.
Kaya nang may nakita siyang advertisement ng recruitment agency sa isang tabloid, agad siyang nagtungo dito upang mag-apply. Napili niyang magtungo sa Saudi Arabia dahil nakasaad doon na sagot ‘anya ng employer ang lahat ng gastusin mula sa pagkuha ng kaniyang pasaporte, medical at placement fee. Kampante si MJ na wala siyang anumang gagastusin sa kaniyang pag-aaply.
Pero nagtungo pa ‘anya siya sa kanilang probinsiya dahil may problema sa kaniyang birth certificate.
Matapos ang isang buwan, tinanggap na ang kaniyang application. Ngunit inilipat naman siya sa isang pang agency at doon sinabihan na kailangang magtungo ito sa training center bilang requirement sa kaniyang application.
Palibhasa’y desidido si MJ na makaalis kaya’t sunud-sunuran na lamang ito sa bawat ipagawa ng ahensiya.
Lunes hanggang Sabado silang pumapasok sa naturang center. Walang uwian. Stay-in ang mga aplikante.
Pero sa banig ‘anya sila pinatutulog.
Buong building ang pinalilinis sa kanila. Bawat opisina, reception area, stock room, kuwarto ng mga boy, pati garahe nililinisan nila.
Kasama din daw sa training na magbuhat sila ng 5 gallon ng tubig hanggang 5th floor bilang kanilang daily task.
At ang matindi pa, training din ‘anya na pinaglalaba sila ng napakarurumi at mababahong damit ng kanilang mga boy. Hina-hand wash nila iyon at hindi sila pinagagamit ng washing machine. Training din daw iyon.
Kung anong dami ng trabaho bilang training “daw” nila, siyang kaunti naman kung magpakain sila. Isang pirasong tinapay, isang cup na kanin at kaunting ulam sa buong maghapon. Ganoon nila tinatapos ang bawat araw sa naturang center.
At matindi rin ang singilan ng training center na ito. Kapag papunta ng Saudi Arabia, P26,500 pero sagot na raw iyon ng employer. P46,000 naman kung papunta ng Hongkong at sa Singapore P29,000.
Sasagutin iyon ng aplikante. Sila ang dapat magbayad sa center. Ganoon kalaking halaga ang dapat na bunuin ng isang aplikante.
Ang iba, paunti-unting nag-aabot ng bayad, pero wala ‘anyang kapalit na resibo.
Idinudulog ng Bantay OCW ang reklamong ito kay Administrator Bernard Olalia ng POEA o Philippine Overseas Employment Administration upang papanagutin ang mga pang-aabusong ito ng recruitment agency at training center na nabanggit.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com