Blatche kukunin ng PH 5 para sa huling window ng FIBA World Cup qualifier

MULING kukunin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang serbisyo ni naturalized player Andre Blatche para isalba ang huling tsansa ng Pilipinas na makapasok sa 2019 FIBA World Cup.

Ayon kay SBP special assistant to the president Ryan Gregorio inaayos na nila ang plano ng asosasyon para makapaglaro ang 6-foot-11 na si Blatche sa ikaanim at huling window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Pebrero sa susunod na taon.

Matatandaan na hindi isinama ang dating NBA player na si Blatche sa lineup ng Philippine men’s basketball team sa ikalimang window ng FIBA World Cup Asian qualifier base na rin sa kagustuhan ng coaching staff na mabuo ang chemistry ng mga Pinoy cagers matapos na lumahok ito sa 18th Asian Games.

Nabigo ang Pilipinas sa Kazakhstan at Iran sa ikalimang window sa mga larong ginanap sa bansa. Kailangan naman ng PH 5 na walisin ang natitirang dalawang laro at umasa na ang ibang koponan sa bracket nito ay mabigo sa mga nalalabing laro nito.

Maaari na sanang maglaro si Blatche para sa PH 5 sa ikalimang window matapos ang kanyang suspensyon na bunga ng kinasangkutang gulo sa laro ng Pilipinas at Australia subalit hindi siya isinama sa training pool ng koponan.

Umaasa naman ang SBP na mapapalakas ni Blatche ang tsansa ng Pilipinas na makapasok sa 2019 FIBA World Cup.

“As far as the SBP is concerned, we are in touch with the agent of Andray to finalize plans to bring him in early,” sabi ni Gregorio, na isa rin sa mga assistant coaches ni Guiao sa national team.

Ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto sa Group F sa hawak na 5-5 win-loss record at kailangan nilang magwagi sa Qatar at Kazakhstan sa Pebrero 2019 para buhayin ang pagkakataon nitong makausad sa FIBA World Cup.

 

Read more...