IBINITIN ng patiwarik ng isang tatay ang kanyang apat-na-anyos na anak na lalaki sa bintana ng kanilang bahay sa Sta. Rosa, Laguna, at pinagsusuntok habang ivini-video ang pang-aabuso para pauwiin ang misis sa kanilang bahay.
Nong Miyerkules, ipinost sa Facebok ng isang netizen ang video ng insidente, na kung saan umabot na sa 1.8 milyon ang nakapanood nito at at may share na 200,000 beses.
Sa video, maririnig ang lalaki na tinatanong ang bata kung masaya sa ginawa ng nanay, matapos itong umalis patungong Iloilo.
Hinampas ng lalaki ang mukha ng biktima at pagkatapos ay sinuntok sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang hindi ito sumagot.
Sinabi ni Supt. Eugene Orate, chief ng Sta. Rosa police, na inaresto ng kanyang mga tao ang suspek ganap na alas-11:30 ng umaga kahapon. Nasa kostudiya na ang lalaki ng Sta. Rosa Police Station.
Idinagdag ni Orate na isasailalim ang suspek sa drug test at nahaharap sa paglabag sa child abuse law.
Sinabi ni Orate na base sa imbestigasyon nangyari ang insidente noong Disyembre 18 at ipinadala ang video sa misis noong Pasko.
Ani Orate, may hindi pagkakaunawaan ang mag-asawa, dahilan para umuwi ang misis sa Iloilo noong Disyembre 13.
Sinabi ni Senior Supt. Eleazar Matta, Laguna police chief, na dinala ang biktima sa Department of Social Welfare and Development para sumailalim sa pagsusuri.
Nakatakda na ring umuwi ang nanay sa Laguna, ayon kay Orate.