MANANATILI sa Rain or Shine Elasto Painters si two-time season Most Valuable Player James Yap.
Ito ay matapos na papirmahin ng Rain or Shine si Yap ng tatlong taon na kontrata.
Pinirmahan ni Yap ang kanyang kontrata sa harap mismo nina Rain or Shine co-team owner Raymund Yu at team manager-board of governor Atty. Mamerto Mondragon Huwebes ng umaga.
“First of all I would like to thank the Lord and my Rain or Shine Family, Boss Raymond Yu, Boss Terry Que, Atty. Mondragon, Mr. Edison Oribiana, Coach Caloy, Teammates, my family, friends and to all my fans,” sabi ni Yap sa kanyang Instagram post kung saan kasama nito sa isang larawan sina Yu at Mondragon.
Nagkasundo si Yap at Rain or Shine management sa kanyang maximum na tatlong taong player contract kung saan ang dating miyembro ng Philippine men’s basketball team ay tatanggap ng P420,000 suweldo kada buwan sa susunod na tatlong taon.
Ang pagpirma ni Yap, na kilala rin sa tawag na “Big Game James”, ng bagong kontrata sa Rain or Shine ay tuluyan naman pinabulaanan ang umuugong na balita na iti-trade ito sa San Miguel Beermen.
Ipinakita rin ng Elasto Painters ang hangarin nito na makabuo ng isang championship caliber team sa darating na season matapos na bigyan sina Ed Daquioag at Norbert Torres ng tatlong taon na kontrata.
Agad din pinapirma ng Rain or Shine ang kanilang mga first round rookie pick na sina Javee Mocon at Jayjay Alejandro ng tatlong taon na kontrata.
Maliban kay Yap, sasandigan din ng Elasto Painters ngayong darating na PBA Season 44 ang mga beteranong manlalaro nito na sina Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan, Jewel Ponferada at Chris Tiu, na maglalaro pa sa 2019 PBA Philippine Cup bago tuluyang magretiro sa paglalaro sa pro league.