MAAARING magsagawa ng imbestigasyon ang House committee on ethics laban kay Iloilo Rep. Oscar ‘Richard’ Garin kung mayroong maghahain ng reklamo laban dito kaugnay ng pambubugbog umano ng pulis.
Pero kailangan umano na mayroong maghain ng reklamo laban kay Garin, ayon kay House minority leader Danilo Suarez.
“If there is a complaint, yes [it can be investigated], but we need a valid complaint. Maybe from one of the members or ipa-file dito pero kailangang may mag-sponsor na member,” ani Suarez.
Ayaw magbigay ng komento ni Suarez sa pangyayari dahil hindi pa umano malinaw kung ano ang naging dahilan at nagalit si Garin at ang kanyang ama na si Guimbal Mayor Oscar Garin Sr.
“Kaibigan ko sina Janet at Cong. (Richard) Garin. I know the father (Oscar). Let’s find out ano ang nag-trigger ng galit ng Garins doon,” ani Suarez sa press briefing kahapon.
Ayon sa mga ulat, ginulpi ng mag-ama si PO3 Federico Macaya matapos nitong kausapin ang isang biktima upang iatras ang reklamong inihain nito laban sa isang nakasakit sa isang bata sa pagdiriwang ng Disyembre sa Guimbal noong Disyembre 22.
Sinabi naman ni Rep. Garin na humihingi ito ng tawad sa kanyang nagawa.
“Pero gusto ko lang maklaro na ang actions ko are not directed to the PNP as an institution, or against its officers and personnel. My actions were a mere display of extreme frustration towards one, single PNP personnel na sa aking palagay ay nag-commit ng great disservice to the people of Guimbal,” ani rep. Garin.