NANG pumutok ang ilang mga kontrobersiya sa pulitika ay biglang nagkaroon ng ideya ang isang dating opisyal ng gobyerno na lider din ng isang grupo ng nagpapakilalang “patriotic”.
Hindi para payapain ang sitwasyon kundi upang guluhin ang mga pangyayari kapalit sIyempre ng malaking halaga ng salapi.
Sa mga nakalipas na rally ng iba’t ibang grupo ay inialok ng isang dating opisyal ang kanyang grupo para pandagdag sa bilang ng mga tao.
Pero dahil maraming mga organisasyon ang nagsabing dadalo na eventually ay dumalo nga sa mga rally ay hindi na kinailangan pa ang tulong ni Sir.
Bukod diyan ay hindi rin malinaw kung anong grupo sa hanay ng mga organizers sa rally ang handang maglabas ng pondo sa naganap na rally.
Hindi rin daw kakayanin ng mga namuno sa rally ang hinihinging budget ng dating government official.
Umaabot kasi sa P1,000 kada ulo ang gustong budget ni Sir para sa bawat kasapi nila na sasama sa kilos-protesta.
Dahil malaki ang perang hinihingi natural na hindi patulan ang hirit ni dating government official.
Malaki rin ang pangangailangan ng dating opisyal dahil sa kanyang mga tsiks.
Bukod kasi sa pakikipagrelasyon sa isang byudang mambabatas ay may alaga rin si Sir na isa pang Chicas na dating staff ng isang dating Senador.
Ilan lang yan sa mga dahilan kaya gustong gumawa ng pera ni Sir gamit ang pangalan ng grupo na kanyang kinaaaniban.
Sinabi ng ating Cricket na maswerte na raw kung umabot sa P500 ang maibibigay ni dating government official sa mga sasama sa rally.
Kilala kasi ang dating opisyal na mahilig mambukol at kalahati lang ang ibinibigay sa kanyang mga miyembro.
Ang dating opisyal ng gobyerno na ngayon ay buhay ang raket sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga tao sa mga rallies kapalit ng bayad syempre ay si Mr. R…as in Raket.