ILANG miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nagpahayag ng pagtutol sa desisyon ng Korte Suprema na pansamantalang pahintuin ang operasyon ng ride hailing app na Angkas.
Ayon sa kanila, malaki raw ang magiging epekto nito sa transportasyon ng ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga nakatira sa mga traffic prone urban centers tulad ng Metro Manila.
Dinagdag pa ng press release ng mga congressmen na lalong mapapahirapan ang mga commuters natin kapag nawala ang serbisyo ng Angkas.
Bagamat mayroong logic na gamitin ang motorsiklo bilang matulin na public transport system, partikular naman ang nakasaad sa isang probisyon ng batas na hindi pupuwede gamitin ang two-wheeler bilang public transport.
Imbes na naglalabas ng ganitong mga press release ang mga congressman na ito na ang tunay lamang na layunin ay magpasikat sa mga magiging botante nila sa susunod na taon, sana ay naglabas na lang sila ng panukalang batas na gawing legal na public transport ang mga motorsiklo.
Sa ganitong paraan ay mailalatag na rin ang mga responsibilidad ng mga negosyong tulad ng Angkas lalo na sa kaligtasan at convenience ng kanilang mga pasahero.
Sapagkat ang totoong isyu dito ng LTFRB ay hindi ang pigilin ang paggamit ng motorsiklo bilang public transport kundi ang kaligtasan ng mga pasaherong gagamit ng Angkas bilang bayad na transportasyon.
Tandaan natin na sa datos ng World Health Organization sa Pilipinas, nasa mahigit 100 bangaan na sangkot sa motor ang nagaganap sa bansa araw-araw. Sa bilang na ito ay umaabot sa mahigit 20 ang namamatay kada araw.
Sobrang taas ng bilang na ito para basta na lang natin iasa sa mga riders ang kaligtasan ng commuters natin ng walang batas o regulating body na nangangasiwa sa kanila.
Idagdag mo pa ang bastos at kaskasero na ugali ng nakararaming motorcycle riders sa lansangan natin at tiyak na mababahala kayo sa kinabukasan ng mga negosyong tulad ng Angkas kung walang regulating law na gagabay sa kanila.
Para sa komento, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.