DOLE sa mga establisyamento: I-report ang hindi pagbabayad ng 13th month

KAILANGANG i-report ng mga employer sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang pagsunod sa batas-paggawa ng pagbabayad ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa.

Ito ay muling ipinaalala ng DOLE pamamagitan ng Labor Advisory No. 18, series of 2018 kung saan kanyang ipinanawagan sa lahat ng employer sa pribadong sektor na bayaran ang kanilang rank-and-file employees ng 13-month pay bago mag-Disyembre 24.

Kailangang i-report ng mga nasabing employer ang kanilang pagsunod sa batas sa pinakamalapit na DOLE Regional Office ng hindi lalampas ng Enero 15 ng susunod na taon,

Batay sa nakasaad sa Presidential Decree 851, kung saan inaaatas ang pagbabayad ng 13th-month pay, kailangang mag-sumite ang mga establisyamento ng compliance report sa DOLE.

Kailangang nakasaad sa compliance report ang pangalan at lugar ng establisyamento, produkto o negosyo, kabuuang bilang ng empleyado, kabuuang bilang ng manggagawang nakatanggap ng benepisyo, ang halagang tinanggap ng bawat empleyado, kabuuang halaga ng benepisyong ibinigay, at ang pangalan, posisyon at telepono ng taong nagbigay ng impormasyon.

Ang 13th-month pay ay ang one-twelfth (1/12) ng basic salary ng empleyado sa loob ng calendar year.

Ang minimum 13th-month pay na iniaatas ng batas ay hindi dapat bababa sa one-twelfth (1/12) ng kabuuang basic salary na kinikita ng empleyado sa loob ng calendar year,

Kasama sa basic salary ang lahat ng kabayaran o sahod na ibinayad ng employer sa isang empleyado para sa serbisyong kanyang ibinigay, ngunit hindi kasali ang cost-of-living allowance (COLA), profit-sharing payment, cash equivalents ng unused vacation at sick leave credit, overtime pay, premium pay, night shift differential pay, holiday pay, at ang lahat ng allowance at monetary benefit na hindi itinuturing, o hindi bahagi ng regular o basic salary ng empleyado.

Narito ang sample illustration ng formula sa pagkukuwenta ng 13th month:

Kabuuang suweldo na kinita sa kasalukuyang taon = katapat na 13th month pay 12 buwan

Kailangang bayaran ng lahat ng employer ang kanilang rank-and file employees ng kanilang 13th-month pay, anupaman ang uri ng kanilang empleo, at kung anupaman ang pamamaraan ng pagbabayad ng kanilang sahod, basta nagtrabaho ang empleyado ng isang buwan sa loob ng kasalukyang taon.

Ang natatanging kondisyon lamang ay nakapagtrabaho ang manggagawa ng isang buwan sa loob ng kasalukuyang taon.

Information and Publication Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.

Read more...