HINDI nakarating si Ria Atayde sa special screening ng “The Girl In The Orange Dress” sa SM Megamall Director’s Club dahil may “ate duties” siya sa bunsong kapatid na si Xavi na nagdiwang ng kaarawan nitong Sabado sa Rockwell Country Club.
Ang magkakapatid na Arjo, Ria at Gela ang nag-ayos ng venue ng party kaya lahat sila ay nag beg-off sa kani-kanilang mga lakad.
Kuwento ng promo team ng Quantum Films, ang producer ng “TGITOD”, “Bilib na ako kay Ria, ang hirap pumunta ngayon sa Divisoria, pero nandoon siya, nakikipagsiksikan.”
Hindi na bago para sa amin ang pagpunta ng dalaga sa Divisoria dahil lagi niya itong ginagawa kapag may mga kailangan siya at gustong makamura.
Tanda naming katwiran ni Ria, “Tita, bakit ako bibili sa mall, e, ang mahal-mahal. Sa Divisoria, sobrang mura at ang daming choices. Makikipagsiksikan ka lang talaga, pero worth it naman. Imagine ‘yung 10K or less, kumpleto na ‘yun sa buong party at may mga allowance pa. Sa mall ba, kasya ang 10K? Baka ilang piraso lang ‘yun.”
Pero huwag mag-alala si Ria dahil napuri naman siya sa karakter niya bilang Kakai sa “The Girl In The Orange Dress” na bestfriend ng mga karakter nina Jessy Mendiola, Sheena Halili at Hannah Ledesma.
Bata palang ay may gusto na si Kakai kay Rye (Jericho Rosales) at nagkaroon ng sumpaan ang magkakaibigan na kapag may lalaking gusto ang isa, dapat hindi makikiagaw.
At dito naapektuhan ang friendship nila ni Jessy (Anna) dahil siya ang gusto ni Rye na inakala naman ni Kakai na inagaw sa kanya ang lalaking simula bata ay mahal na niya.
Maganda ang confrontation scene nina Jessy at Ria at bilang baguhan at unang beses mapasama sa MMFF ay posibleng manalong Best Supporting Actress ang huli sa awards night na gaganapin sa The Theater, Solaire sa Dis. 27.
Showing na ito sa Dis. 25 sa direksyon ni Jay Abello.