SA Enero, 2019 na ang simula ng taping ng mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez para sa kanilang sitcom na ipapalit sa Home Sweetie Home nina Toni Gonzaga at Piolo Pascual.
Biglang nawala si John Lloyd Cruz sa sitcom bilang si Romeo na asawa ni Julie (Toni) kaya pinalitan ito ni Piolo.
Kuwento ng aming source, “Matagal na rin naman ang Home Sweetie Home, four years na. Wala namang pinupuntahan na ang kuwento kasi wala na si Lloydie. Ini-stretch na lang dahil kay Papa P.”
At mukhang tanggap na rin ni Toni na posibleng mawala na ang Home Sweetie Home base sa panayam namin sa kanya sa nakaraang mediacon ng MMFF entry na “Mary Marry Me.”
“So far, wala pa namang advice sa amin. Pero if ever kasi noong pumirma ako sa contract ko under ABS-CBN, part pa yung Home Sweetie Home. So hindi ko pa alam,” sabi ng TV host-actress.
“Pero siyempre, things can actually change. Hindi rin natin masasabi,” say ng aktres.
Samantala, isa pang pinaklaro namin kay Toni ay kung tsugi na siya sa ASAP Natin ‘To dahil hindi na siya napapanood doon.
“Nasa Pinoy Big Brother kasi ako, hindi ko naman kakayanin na kung pati Linggo nasa ASAP ako. Mula Lunes hanggang Sabado may PBB kaya pahinga ako na ang Linggo. Pero kung tapos na ang PBB, puwede na siguro akong bumalik sa ASAP,” pahayag ni Toni.
Anyway, simula bukas ay mapapanood na ang “Mary, Marry Me” mula sa Ten17 at TinCan Productions mula sa direksyon ni RC delos Reyes.