P7.6M shabu nasabat sa Negros; 2 dealer dakip

ARESTADO ang dalawang hinihinalang drug dealer nang makuhaan ng mahigit P7.6 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa kabundukan ng San Carlos City, Negros Occidental, Huwebes ng madaling-araw.

Nadakip sina Hanjie Alquiza alyas “Jack,” 37; at Roden Zaraga, 41, kapwa residente ng barangay kung saan isinagawa ang operasyon, sabi ni Supt. Joem Malong, tagapagsalita ng Western Visayas regional police.

Si Alquiza ay kasama sa listahan ng mga “high-value target” ng pulisya, aniya.

Isinagawa ng mga tauhan ng San Carlos City Police ang buy-bust sa bulubunduking bahagi ng Sitio Mahayahay, Brgy. Punao, pasado alas-12.

Nakuhaan ang mga suspek ng anim na malaki, isang medium-sized, at isang maliit na mga sachet na naglalaman ng aabot sa 639.5 gramo o P7.674 milyon halaga ng hinihinalang shabu, ani Malong.

Nakumpiska din sa dalawa ang P500 papel at P19,500 halaga ng pekeng pera na ginamit sa buy-bust, P1,500 cash na galing din umano sa pagbebenta ng droga, at isang digital na timbangan.

Read more...