Ina nalunod sa pagsagip sa mga anak; 1 paslit patay din

NALUNOD ang isang ginang habang sinasagip ang mga anak niyang nahulog sa ilog, sa Silay City, Negros Occidental, nitong Martes.

Nailigtas ni Malou Caloring ang isa sa dalawang anak na babae ngunit di na nagawang masagip ang isa pa, na nalunod din, ayon sa ulat ng Negros Occidental provincial police.

Naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga, sa ilog na nasa Malisbog 1, Brgy E. Lopez.

Bago iyo’y naglalaba ang 34-anyos na si Caloring, habang ang dalawa niyang anak ay nakatayo sa gilid ng ilog.

Biglang nabuwal ang lupa na kinatatayuan ng mga bata at nahulog sila sa ilog, kaya agad tumalon sa tubig ang kanilang ina para sila’y iligtas, ayon sa ulat.

Nang masagip at madala sa pampang ang isa sa mga anak ay bumalik si Caloring sa ilog para sagipin ang kapatid nitong 14-anyos, ngunit kapwa na sila nalunod, ayon sa pulisya.

Unang narekober ng mga sumaklolong residente si Caloring at itinakbo siya sa pagamutan, pero idineklarang patay ng doktor alas-9:35.

Dakong alas-12 na ng tanghali nang marekober ang anak ni Caloring na 14-anyos, na idineklara ding patay sa ospital.

Read more...