Jean umamin, totohanan ang sampalan, bugbugan sa Ika-5 Utos: Hindi maiwasan


HINDI maiiwasan na magkasakitan at magkapisikalan ang mga bida sa top rating afternoon serye ng GMA 7 na Ika-5 Utos.

Kahapon, nakachikahan namin sa taping ng Ika-5 Utos ang apat sa cast members ng serye, sina Jean Garcia, Gelli de Belen at Tonton Gutierrez.

Dito nga naikuwento ni Jean kung paano nila ginagawa ang mga buwis-buhay nilang eksena sa Ika-5 Utos, lalo na ang mga nakakalokang catfight nila ni Valerie Concepcion.

“Grabe! Nakakapagod talaga kasi mas marami talaga ‘yung mga confrontation scenes at fight scenes kesa sa mga drama moments. And of course, hindi talaga maiiwasan na magkasakitan kayo kahit na nire-rehearse pa before the take,” ani Jean.

Nag-uusap muna sila ni Valerie kung paano nila mai-execute ang isang sensitibo at delikadong eksena para maiwasan ang aksidente sa taping at hangga’t maaari ay itotodo na nila sa unang take pa lang para hindi na paulit-ulit.

“Siyempre in real life naman kapag nakikipag-away ka, talagang magkakasakitan kayo pero mga artista naman kami kaya alalay lang. Hangga’t maaari ayaw naming dayain, like may totoong mga sampal, ‘yung sabunot sometimes nagiging totoo lalo na kapag na-carried away kayo sa eksena pero dapat alalay pa rin,” mahabang paliwanag ng award-winning Kapuso actress.

Naikuwento nga ni Jean na sa isang eksena nila ni Valerie ay nadaplisan siya ng kutsilyo, “Dream sequence ‘yun, e. Sasaksakin ako ni Val pero biglang naputol ‘yung kutsilyo tapos dito sa tagiliran ko natusok, pero hindi naman malalim. So, may mga ganu’ng eksena talaga na hindi mo makokontrol.”

“After that, may ipinadala sa aking video ni Val, pag-uwi niya may malaking pasa pala siya sa may balikat, kaya sabi niya sa akin, ‘Ayan ate may pasa rin pala ako, kaya quits na tayo ha!’ Ganu’n kami, kumbaga walang personalan, trabaho lang,” chika pa ni Jean.

Habang kausap namin ang aktres, biglang dumaan ang Kapuso young actor na si Jeric Gonzales na sasalang na sa kanyang susunod na eksena sa Ika-5 Utos. Inamin ng binata na malakas talagang sumampal si Jean dahil earlier that day ay kinunan ang eksena kung saan sinampal nga siya ng aktres.

Sey ni Jeric, “Hanggang ngayon ramdam ko pa rin.” Tawa lang nang tawa si Jean pero aniya, nag-sorry naman siya kay Jeric after that sampalan scene.

Napapanood pa rin ang Ika-5 Utos sa GMA Afternoon Prime after ng Asawa Ko, Karibal Ko, sa direksyon ni Laurice Guillen. Kasama pa rin dito sina Gelli de Belen, Jake Vargas, Inah de Belen, Klea Pineda at marami pang iba.

Read more...