Khalil pinalitan ni McCoy sa bagong pelikula ng Cineko


SAYANG at hindi na matutuloy ang pagbibida ni Khalil Ramos sa youth oriented movie na “G,” mula sa Cineko Films at ididirek ni Dondon Santos. Hindi kasi nag-swak ang schedule ng aktor sa shooting dates na ibinigay ng produksyon.

Matagal na panahong inayos ang schedule ni Khalil para maisabay sa schedule ng iba pang cast members kabilang na sina Jameson Blake, Mark Oblea, Nick Parker at Paolo Angeles pero hindi na kinaya dahil nasa Amerika pa rin ang binata.

Wala ring maibigay na open dates si Khalil para sa January shoot dahil may prior commitments na siya kaya nagdesisyon na ang Cineko na palitan na lang siya ni McCoy de Leon.

Sobrang abala rin ngayon si McCoy dahil sa aksyon seryeng FPJ’s Ang Probinsyano pero gagawan daw ng paraan, sabi ng handler niya sa Star Magic.

As of this writing ay wala pa kaming feedback mula kay Khalil pero tiyak na manghihinayang siya kapag nalaman niya ito dahil talagang nagustuhan niya ang gagampanang karakter matapos ang ginanap na storycon kamakailan.

In fairness bagay din kay McCoy ang karakter na nawala kay Khalil. Kung wala nang magiging aberya ay ngayong araw na ang first shooting day ng “G.”

Read more...