WALANG magsasabing madali ang trabaho ng ating mga seafarer sa barko. Kahit sabihin pang naglilingkod sila sa isang cruise ship o passenger vessel, palaging kahalintulad lamang nito ang pagtatrabaho sa loob ng isang hotel, dangan nga lamang at naglalayag ito.
Nagkaroon din tayo ng pagkakataon na makahalubilo at mapagmasdan ang mga Pinoy seafarers natin sa isa nilang biyahe sa Asya.
Akala ng marami kapag barkong pampasahero, maalwan lamang ang trabaho bukod pa sa masaya umano dahil maraming tao, hindi katulad ng ibang barko na sila-sila lamang mga marino ang magkakasama at nagkikita-kita sa buong panahon ng kanilang paglalayag.
Pero hindi ganoon ang maaaring asahan. Hindi madali at hindi naman ganoon kasaya ang trabaho katulad sa pag-aakala ng iba. Siyempre kung wala naman sa entertainment section ang miyembro ng crew, at hindi naman siya direktang nakikisalamuha sa pasahero, tiyak na nakatutok lamang siya sa kaniyang trabaho. At maaari mag-isa lamang siya doon.
Nababanaag sa kanila ang matinding kapaguran, lalo pa’t may mga demanding na mga pasahero. Halos wala rin silang sapat na tulog lalo na kung dumaraan ang barkong ito sa mga maaalong lugar.
Sabi nga, walang seafarer na hindi maaaring makaranas ng pagkahilo at pagsusuka. Palaging magkasama umano ang dalawang iyan. At kailangang masanay sila dahil iyon ang pinili nilang trabaho hanggang sa kanilang pagtanda, hanggang sa kaya pa nila.
Sabi nga ng isang beauty therapist na galing pa ng Visayas region, hindi rin niya akalain na sa barko pala siya makakapagtrabaho. Ngunit matapos kumuha ng maraming training at makapasa sa mga pagsusulit, iyon na umano ang hudyat ng kaniyang pagbabarko.
Unti-unti niyang nagustuhan at minahal ang trabaho. Sulit din naman umano ang sinasahod sa barko kung ikukumpara nga naman sa Pilipinas.
Desidido ang ating kabayan na makapag-ipon habang wala pa naman siyang pamilya. Tinitipid niya ang pag-gastos at limitado rin ang padala sa kanyang pamilya.
Pinaghahandaan niya ang pagbabalik sa bansa upang may masimulan din siyang maliit na kabuhayan kahit paano kapag tumigil na siya sa pagbabarko.
Palagi rin umano niyang sinasabi sa kanyang mga kasamahan na hindi habambuhay ang pagbabarko kung kaya’t kailangang magtabi sila para sa kanilang mga sarili. Dahil ang katotohanan, mas maalon pa sa patag kaysa sa karagatan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com