DINAKIP ang dalawang lalaki na itinuturong nasa likod ng pagpatay sa anim katao, na karamihan ay kanilang kaanak at kinabibilangan ng mga bata, at ikinasugat ng isa pa, sa Gonzaga, Cagayan, noong nakaraang linggo.
Nadakip sina Samy Oandasan, 41, at Sam Oandasan, 28, noong Lunes at ipinagharap na ng kasong multiple murder at frustrated murder, sabi ni Senior Supt. Warren Gaspar Tolito, direktor ng Cagayan provincial police.
Positibong kinilala ng mga saksi ang dalawa, aniya.
Nag-ugat ang kaso sa pagkadiskubre noong Biyernes sa anim na bangkay sa labas ng isang bahay sa Brgy. Ipil.
Nakilala ang anim bilang sina Dizon Oandasan, 42; misis niyang si Sany, 47; mga anak nilang sina Wilson, 13; Karen, 12; Dizon Jr., 5; at kaanak na si Juanito Soliva, 53.
Natagpuang may mga pinsala pero buhay pa ang 3-anyos na anak na lalaki nina Dizon at Sany. Nilulunasan pa ang bata sa ospital.
Unang iniulat na pananaga ang ikinasawi ng mga biktima, pero sa pagsusuri ay nalaman na ilan sa kanila ay binaril pa.
Kinakitaan si Dizon ng tama ng bala sa kanang bahagi ng panga, si Wilson sa gitna ng mga mata, at si Dizon Jr. sa ulo, ayon sa pagsusuri ng Gonzaga Municipal Health Office.
Dahil dito ay muling sinuyod ng pulisya ang crime scene, at nakatagpo ng tatlong basyo ng kalibre-.22 baril.
Lumabas sa imbestigasyon na away sa lupa ang pinag-ugatan ng mga pagpatay, ani Tolito.