Mga Laro Ngayong Martes (Dec. 18)
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. CSA vs La Salle-Dasmariñas
7 p.m. Petron vs F2 Logistics
TAPUSIN na ang labanan at masungkit ang korona ang hangad ng Petron Blaze Spikers sa pagsagupa sa matinding karibal na F2 Logistics Cargo Movers sa Game 2 ng 2018 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference best-of-three finals series Martes ng gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Ganap na alas-7 ng gabi ang laro at pipilitin ng Blaze Spikers na makumpleto ang makasaysayang pagwalis ng kanilang Finals series kontra Cargo Moves sa prestihiyosong women’s club tournament na suportado ng Senoh, Mikasa, Asics, Mueller, Bizooku, Isuzu at UCPB Gen katuwang ang Genius Sports bilang technical provider at ang ESPN5, Hyper HD at Aksyon TV bilang mga broadcast partner.
Matapos na magposte ng 10 diretsong panalo sa preliminaries, pinatalsik ng Blaze Spikers ang Sta. Lucia Lady Realtors sa quarterfinals at Cignal HD Spikers sa semifinals para umugong ang usapan na puntirya nila na mawalis ang kumperensiya.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na winalis ng Blaze Spikers ang All-Filipino Conference dahil nagawa nila ito noong 2015 kung saan ang mga superstar player na sina Dindin Manabat, Rachel Anne Daquis at Aby Maraño ay nagsanib puwersa para mamayagpag sa pinakakumpetitibong volleyball league ng bansa.
Hindi naman magkukumpiyansa si Petron coach Shaq Delos Santos na sasandigan sina Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Frances Molina, Remy Palma, Ging Balse at Mika Reyes para tuluyang mauwi ang korona.
Siguradong magpipilit si F2 Logistics coach Ramil de Jesus na sasandalan sina Aby Maraño, Kim Fajardo, Majoy Baron, Dawn Macandili, Kim Kianna Dy, Cha Cruz at Michelle Morente para makabawi ang kanyang koponan.