Mystica inupakan si Raffy Tulfo matapos magreklamo, nilaglag daw ng 'Wanted' | Bandera

Mystica inupakan si Raffy Tulfo matapos magreklamo, nilaglag daw ng ‘Wanted’

Cristy Fermin |December 12,2018
facebook
share this

Mystica inupakan si Raffy Tulfo matapos magreklamo, nilaglag daw ng ‘Wanted’

Cristy Fermin - December 12, 2018 - 12:20 AM


MABUTI naman at hindi pinatulan ng matapang na komentarista-news anchor na si Raffy Tulfo ang pinakahuling kalokahan ni Mystica na nagsadya sa kanyang programa para magreklamo nu’ng nakaraang linggo.

Maayos na tinanggap ng buong staff ng programang “Wanted Sa Radyo” ang pabuka-bukakang performer, dalawang bloggers ang inirereklamo niya, pero bago siya pinaupo nang mahabaan sa programa ay pina-drug test muna siya ni Kuya Raffy.

Mabilisan ang proseso, sinamahan siya sa Camp Crame ng isang staff ng programa, negatibo naman ang resulta ng kanyang drug test.

Kinabukasan siya iniupo uli sa “Wanted Sa Radyo,” nasa kabilang linya naman ng telepono ang kanyang inirereklamo, para maging parehas ang programa.

Ganu’n ang nangyari. Parang nagkapatawaran sila ng blogger. Pero may nadiskubre ang staff ng show, may isang video si Mystica na tawa nang tawa sila ng kanyang boyfriend.

Nagkakandaihit siya sa katatawa sa pagsasabing kailangan muna nilang magdrama para sa panghihingi ng pambili ng gas. Meron daw kasi silang sasakyan pero wala naman pala silang gasolina.

Ang tanong ni Kuya Raffy, nu’ng mismong araw din bang ‘yun nila ginawa ang video, dahil plakadung-plakado ang mga suot nilang damit nu’ng magpunta sila sa studio?

Hindi raw, sabi ni Mystica, hindi raw niya ginagawang katatawanan ang programa. ‘Yun na! Kinagabihan ay inupakan na niya si Kuya Raffy, minanipula raw siya ng programa, akala raw niya ay nakatagpo siya ng kakampi sa komentarista pero ito pala mismo ang manglalaglag sa kanya.

Sa ganu’ng postura ni Mystica, meron pa kayang magtiwala pa sa kanya kapag nangailangan siya ng tulong, may sumaklolo pa kaya sa kanya kapag ganu’n na ang pinalalabas pa niyang mali at masama ay ang taong nagbigay ng panahon sa kanyang sumbong?

Nakakaloka ang babaeng ito!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending