PINANOOD namin sa IWantTV ang isang linggong episode ng Huwag Ka Lang Mawawala nina Judy Ann Santos at Sam Milby dahil hindi namin naabutan ang mga eksena simula nu’ng nagbuntis hanggang sa manganak si Annessa at pilit siyang pinauuwi ni Eros sa bahay nila para makasama silang mag-ina.
Ito pala ‘yung naririnig naming pinagkukuwentuhan ng mga kapitbahay habang naglilinis kami ng sasakyan at tinatanong kami kung ano ang mangyayari kina Anessa at Eros ngayong tuluyan na silang naghiwalay dahil nagbigay na ng ultimatum ang karakter ni Juday sa asawa.
Napapangiti kami sa mga nagkukuwentuhan dahil may mga sarili silang reaksyon at totoong inis na inis sila kay Sam dahil ang sama-sama raw ng karakter niya bilang Eros.
“Maski na guwapo siya kung sobrang sama at may topak, paano mo mamahalin at pakikisamahan? Baka anytime, patayin ka na lang,” sabi mismo ng aming kapitbahay.
In fairness napapansin na ang improvement sa akting ng aktor at ang pananalita na lang niya ng Tagalog ang kailangan niyang i-perfect, pero tiyak na mahahasa na siya dahil lagi niyang kaeksena ang magagaling na artistang sina Coney Reyes, Susan Africa, Tirso Cruz III at si Juday nga.
Isipin mo bossing Ervin, napapaligiran ang aktor ng mga premyadong artista kaya’t malaking bagay ito sa kanya, sabi nga ng ilang nakakausap naming taga-showbiz, “Para isama si Sam sa tulad nina Coney, Pip at Juday, ibig sabihin, he can deliver kasi kung hindi tiyak na aayawan siya.
“May ibang artista, sobrang galing, take-one, walang problema kung baga, minamani-mani na lang ang mga eksena, e, kung sakit naman ng ulo sa set dahil pasaway at hindi marunong makisama, e, du’n ka na sa tuturuan mo at willing matuto, para walang problema,” paliwanag sa amin.
In fairness uli, wala rin kaming nabalitaan na nagreklamo ang mga katrabaho ni Sam dahil nakikinig at marunong daw makisama ang binata.
At doon sa mga nanghuhusga kay Sam na hindi marunong umarte, mamatay kayo sa inggit dahil hanggang diyan lang naman ang kaya ninyong sabihin.
Anyway, panalo pa rin sa ratings game ang Huwag Ka Lang Mawawala maski na nalipat na ito ng timeslot kumpara sa katapat nitong programa sa ibang TV network.