Desiderio sumabak na sa PBA Rookie Draft

ISAMA na si University of the Philippines Fighting Maroons team captain Paul Desiderio sa mga batikang collegiate superstar na lalahok sa 2018 PBA Rookie Draft na gaganapin ngayong Disyembre 16 sa Robinsons Place Manila.
Isinumite ni Desiderio ang kanyang draft application Biyernes para umangat sa kabuuang 45 ang bilang ng mga aplikante na lalahok sa PBA Rookie Draft.
Ang 21-anyos na playmaker mula Cebu ay nagdesisyon na sumabak na sa propesyunal na liga matapos wakasan ang kanyang huling collegiate year sa UP na nakabalik sa UAAP men’s basketball finals matapos ang 32 taon.
Si Desiderio ay nag-average ng 13.7 puntos, 6.2 rebound, 3.4 assist at 1.3 steal sa kanyang ikalima at huling season sa Fighting Maroons.
Nagpakitang gilas din si Desiderio sa PBA D-League kung saan tinulungan niya ang Go for Gold Scratchers na mauwi ang titulo ng 2018 PBA D-League Foundation Cup. Naging miyembro rin siya ng Batang Gilas squad na sumabak sa 2014 FIBA Under-17 World Cup.
Makakasama niya sa rookie draft ang mga naging collegiate stars din na sina CJ Perez, Bobby Ray Parks at Robert Bolick.

Read more...