Pulis-HPG, armado patay sa shootout

NASAWI  ang isag miyembro ng PNP Highway Patrol Group at isa pa ang nasugatan nang makabarilan ang isang lalaki sa Cagayan de Oro City, Miyerkules ng hapon.

Napatay din ang gunman, at sinisilip ng pulisya ang posibleng kaugnayan nito sa dalawang lalaki na unang sumubok magbigay ng “lagay” sa napatay na pulis, sabi ni PNP spokesman Chief Supt. Benigno Durana.

Napatay si SPO1 Sergs de Constantine Maceren, miyembro ng Special Operations Team ng Regional Highway Patrol Unit-10.

Sugatan ang buddy niyang si SPO2 Lyndie Baltazar habang ang isa pa na si PO1 Joel Laurente ay di nasaktan.

Naganap ang insidente The sa tapat ng isang gasolinahan at convenience store sa Masterson ave., Brgy. Carmen.

Kapapara lang noon nina Maceren sa isang Hyundai Accent sedan na may nakakabit na “improvised” na plaka.

Pinaputukan ng driver ng M4 assault rifle sina Maceren at Baltazar habang palapit sa kanya, ani Durana.

Dahil dito’y gumanti ang mga pulis at napatay ang driver, na sa huli’y nakilala bilang si Abdulrahim Batawi Adilao, ng Mabalacat, Pampanga.

Iniimbestigahan ang “background” ni Adilao, at kung mayroon siyang kaugnayan sa dalawang tao na naaresto ni Maceren, dalawang araw bago iyon, sabi ni Chief Supt. Roberto Fajardo, direktor ng HPG.

Bago ang insidente’y kinasuhan ni Maceren ng corruption of public official sina Gary Ranalan ng Brgy. Lumbia at Franklin Jhon Ramos ng Brgy. Kauswagan.

Sinubukan kasi nina Ranalan at Ramos na bigyan ng “lagay” si Maceren para isauli ang kanilang mga sasakyan, na na-impound dahil sa maanomalyang registration at di-awtorisadong plaka, ani Fajardo.

Ipinasurui na sa Crime Laboratory ang baril at kotse ni Adilao.

Kaugnay nito, nagpaabot na ng tulong ang HPG sa pamilya ni Maceren at naghahanda ng funeral honors para sa napatay na pulis, ani Fajardo.

Read more...