Doc Willie: Gamot sa Pinas 10 beses na mas mahal

MAS mahal ng 10 beses ang ilang mahahalagang gamot sa Pilipinas kumpara dito sa bansa, ayon kay Dr. Willie Ong.

Sinabi ni Dr. Ong na mahalaga na maibaba ang presyo ng gamot kung hindi man ito maibibigay ng libre ng gobyerno.

“Yung gamot natin 10 times higher compared to other countries,” ani Ong sa kanyang pagharap sa Tusok-Tusok series ng Bandera at Libre kahapon. “Yung chemo therapy natin 10 times much higher, same brand na tableta dito same brand sa abroad mas mahal yung atin…..isipin nyo saan napupunta, isipin nyo sino nakikinabang.”

Nilinaw naman ni Ong na hindi siya anti-business o laban sa ibang mga doktor pero nais lamang niya na matulungan ang mga pasyente na kailangan ng gamot pero hindi makabili dahil sa mahal.

“Gusto lang natin medyo moderate the greed, moderate konti-konting bawas (sa kita). Pwede namang kumita ng malaki, huwag lang sobra-sobra kasi kawawa naman yung kababayan natin kasi minsan pag may sakit ka hostage na tayo eh, wala kang magawa.”

Ayon kay Ong mayroon gamot na madalas ibigay ang mga katulad niyang doktor sa mga inatake sa puso, “ang halaga nun mga P30,000, madalas walang pera yung pasyente kami ang naghahanap ng pera, may ilan ako nag-aabono kasi gusto mo i-save eh.”

Nagtaka umano si Ong ng lumapit ang drug company sa kanya upang ipaalam na ibababa na ang presyo sa P10,000. Sa pag-uusisa ni Ong nalaman niya na ibinaba ang presyo dahil mayroon na itong kakompitensyang generic brand.

Giit ni Ong maaaring lumaki ang kita ng mga kompanya kahit na konti lamang ang tubo nito kung marami ang makabibili.

Nagbabala rin si Ong sa publiko na huwag maniwala sa mga produkto na gumagamit sa kanyang litrato at pinapalabas na iniendorso nila ito sa social media. Giit niya wala siyang iniendorsong produkto.

Read more...