MAHILIG pala sa Pinoy action films si former Special Assistant to the President (SAP) Bong Go noong kabataan niya.
Ilan sa mga idol niya noon sa pagiging action star ay sina Lito Lapid, Phillip Salvador at Fernando Poe, Jr. Ito ang inamin ng dating special assistant ni Pangulong Rodrigo Duterte nang humarap sa ilang members ng entertainment press kamakailan.
Naalala pa niya noong kabataan niya sa Davao kapag nanonood sila ng Tagalog action movies sa maliliit na sinehan doon, “Wala pang mga mall at hindi pa ako naninigarilyo lagi na kaming nasa sinehan.”
Hirit pa ni SAP Bong Go, “Mga 6 or 7 (years old) pa lang kami nu’n. Minsan kapag tinatatamad na kaming pumunta sa CR sa sahig na lang kami ng sinehan umiihi,” natatawa pa niyang kuwento.
“Bilib na bilib ako kay Lito Lapid noon, kay Ipe, kay Fernando Poe Jr.. Sa paglipas ng panahon, sila na ngayon ang kasama ko,” kuwento pa ni SAP Bong na isa nga sa mga kilalang personalidad na tatakbong senador sa 2019 mid term elections.
Aniya pa, pag-uwing-uwi raw niya sa bahay galing sa sinehan ay ginagaya niya ang pakikipagsuntukan sa pelikula ni Lito Lapid.
Samantala, natanong naman ang isa sa mga senatorial bet ng administrasyon tungkol sa kanyang pagiging Selfie King na sinasabi ngang pang-Guinness Records.
Aniya, hanggang ngayon ay nilalapitan pa rin siya ng ating mga kababayan kahit saan siya magpunta para magpa-selfie. Pinagbibigyan naman daw niya hangga’t kaya pa.
In fairness, dahil sa pagiging SAP halos lahat na yata ng head of states ay may selfie siya. Kung matatandaan, last November sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Vietnam ay nag-trending ang selfie niya with US President Donald Trump habang kausap si Pangulong Duterte sa kanyang likuran.
Bukod dito, naka-selfie rin niya rin sina Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Australian Prime Minister Malcolm Turnbull at si Russian Prime Minister Dmitry Medvedev.
At dahil nga sa kanyang selfie photos kasama ang world leaders, nai-feature pa siya sa isang leading broadsheet sa US, ang The Washington Post kung saan siya tinawag pang “selfie savant.”