MABENTA si Aiko Melendez sa buong taon ng 2018. Bukod sa masaya ang kanyang lovelife ngayon ay nagkasunud-sunod din ang kanyang mga proyekto.
Ngayong Disyembre ay magkakasunod na ipalalabas ang mga pelikula niya, kabilang na riyan ang indie movie na “Tell Me Your Dreams” mula sa Golden Tiger Films na idinirek ni Anthony Hernandez.
Maestra ang role ni Aiko sa pelikula na isinantabi ang pamilya para tugunan ang mga pangangailangan ng mga katutubong hindi makapag-aral.
Every weekend ay umuuwi ang karakter ni Aiko sa kanyang ina at dalawang anak para dalawin ang mga ito at muling babalik sa bundok para turuan ang mga aeta roon.
Aminado ang aktres na talagang nahirapan siya physically sa “Tell Me Your Dreams” dahil sa location kung saan sila tumira sa loob ng anim na araw bukod pa sa immersion na pinagdaanan nila.
Hindi na kami magkukuwento tungkol sa pelikula dahil mas magandang panoorin ito simula ngayong araw sa 11 sinehan ng Star Mall (Edsa Shaw, San Jose del Monte at Alabang). Ipalalabas din ito sa Vista Mall sa Daang Hari, Evia sa Alabang, Pampanga, Bataan, Taguig, Sta. Rosa, Laguna, Las Piñas at Naga.
Samantala, bago simulan ang special screening ng “Tell Me Your Dreams” ay nakatsikahan ng miyembro ng media si Aiko tungkol sa boyfriend niyang kakandidatong Vice Governor ng Zambales na si Subic Mayor Jay Khonghun.
Susuportahan ng aktres ang kandidatura ng kanyang future husband kaya hindi muna siya babalik sa pulitika. Natanong kung ano ang pagkakaiba ng siya ang mismong nasa politika o bilang politician’s girlfriend.
“Pag politician ka kasi, iba yung stress mo, kasi you’re running your own campaign. Pero kapag politician’s girlfriend ka, akala mo hindi ka na madadamay sa dumi ng pulitika. Pati ikaw pala, damay din.”Lalo na nakadikit ako kay Mayor ngayon, na he’s running for vice governor, so kahit ako, du’n sa mudslinging, damay din ako. Unlike dati, direkta na ako lang, wala nang madadamay. I can shield my family, especially my kids. Now, damay-damay, e,” paliwanag ng aktres.
Hindi naman kaila na marami silang bashers ngayon, “Dedma kami sa bashers, basta kami tuloy lang kami sa pagtulong. Tambakan man si Mayor ng mga intriga, ng mga negative, wala kaming sasabihin sa mga kalaban namin.
“Kasi, gusto lang naming patunayan na puwede kaming manalo or kaya naming manalo nang hindi naninira. Dahil yung mga projects na nagawa ni Mayor, yung mga merits niya will speak itself to make him win,” aniya pa.
Nabanggit na sa amin noon ni Aiko na pinag-uusapan na nila ni Mayor Jay ang tungkol sa kasal kaya natanong namin kung kailan ito mangyayari.
“You know, we don’t want the people to think na we’ll get married because of publicity. We’ll get married at the right time, maybe after (ng eleksyon),” sey ng aktres.