Taon-taong taas sa buwis ng yosi at alak pasado na sa Kamara

SUNOD-SUNOD na inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlong pagbasa ang mga tax measures na hiningi ng Malacanang.

Sa botong 187-7 at isang abstention, inaprubahan ang panukala na itaas taon-taon ang excise tax na ipinapataw sa sigarilyo.

Sa 2019 ay itataas sa P37.50 ang buwis mula sa kasalukuyang P32.50. Sa 2020 hanggang 2022 ay itataas ito ng tig-P2.50 at mula 2023 at sa mga susunod na taon ay itataas ito ng apat na porsyento. Sisimulan ang pagpapatupad ng bagong buwis tuwing buwan ng Hulyo.

Inaprubahan naman ang panukala na itaas ang buwis sa alak sa botong 189-7 at walang abstention.

Simula sa Enero 2019, tataas ng P6.60 kada litro ang excise tax ng distilled spirits. Ito ay bukod pa sa pagtataas ng 22 porsyento sa ad valorem tax na magiging P30, P35, P40, at P45 mula 2019 hanggang 2022. Mula 2023 ito ay itataas naman ng pitong porsyento.

Sa kasalukuyan ang distilled spirit ay may P22.40 specific tax at 20 porsyentong ad valorem tax.

Inaprubahan din ang unitary rate tax na P650 at ad valorem tax na 15 porsyento sa mga sparkling wines. Mula 2023 ay itataas ito ng pitong porsyento.

Ang carbonated wines na hindi tataas sa 14 porsyento ang alcohol content ay itataas sa P40 mula sa P37.90 kada litro. Ang mas mataas naman sa 14 na porsyento ang alcohol content ay itataas ng P4.10 simula Enero 2019. Sa sumunod na taon ay itataas ito ng pitong porsyento.

Itataas naman sa P28 ang kasalukuyang P25.40 buwis sa fermented liquor.

Sa botong 190-7 ay inaprubahan din ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act of 2019 upang maging simple ang pagbubuwis.

Ang buwis sa pre-need, pension, at life insurance ay gagawing 2 porsyento at aalisin ang ilang documentary stamp tax.

Ibababa naman ang buwis sa savings sa 15 porsyento mula sa 20 para sa halagang P35,000 hanggang P100,000. Ang mga mayayaman na kumikita sa dibidendo ay magbabayad naman ng mas mataas na 5 porsyentong buwis.

Read more...