KAHIT paano’y lalabnaw siguro ang malapot na dugo ni Kris Aquino para kay Governor Imee Marcos na nagtanggol at pumuri pa nga sa kanya sa isang panayam tungkol sa kanyang partisipasyon sa pelikulang “Crazy Rich Asians.”
Kontra-pelo ang kanilang mga pamilya mula nu’n hanggang ngayon, hindi maaaring mawala sa utak ng mga Pinoy na may kinalaman ang pamilya Marcos sa pagpaslang sa ama ni Kris nu’ng 1983, nakasulat na ‘yun sa kasaysayan.
Nasa magkabilang ibayo sila ng prinsipyo at paniniwala, milagro na nga lang siguro ang magpapalapit sa kanilang kalooban, pero naging madulas ang dila ng gobernadora sa pagbibigay-papuri kay Kris.
Huwag na raw niyang pansinin ang mga bashers at ang mga kumukutya sa maigsi lang niyang role sa pelikula, ang mahalaga ay napasok niya ang balwarteng masyadong mapili sa lahi, isang malaking karangalan para kay Governor Imee Marcos ang pagkasali ni Kris sa pelikula.
Nakatuon ang pansin ng gobernadora sa sining at pelikula, ito ang naging tagapamuno nu’n ng Expe-rimental Cinema of The Philippines, kung saan pi-nuri ng buong mundo ang Superstar na si Nora Aunor dahil sa pelikulang “Himala.”