Pagdami ng mga nabibiktima ng krimen, hindi dapat maliitin

NITONG Huwebes, naglabas ang Social Weather Stations (SWS) ng resulta ng pinakahuling survey nito kung saan tumaas ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nabibiktima ng krimen sa nakalipas na
anim na buwan.

Base sa datos ng SWS, mula sa 5.3 porsyento (1.2 milyong pamilya), umakyat sa 6.1 porsyento (1.4 milyong pamilya) ang biktima ng mga krimen noong Setyembre.

Ayon pa sa SWS, sa pamilya na mayroong miyembro na nabiktima ng krimen, 4.6 porsyento ang nadukutan (tumaas mula sa 4.0), nanakawan ang 2 porsyento (mula sa 1.8), ang nanakawan ng sasakyan ay 0.6 porsyento (mula sa 0.5), at 0.7 porsyento ang sinaktan (mula sa 0.2).

Sa mga respondents, 52 porsyento ang natatakot na manakawan (mula sa 55), nagsabi ang 46 porsyento na hindi ligtas ang mga lansangan kapag gabi kaya natatakot silang lumabas (nanatili sa 46) at 41 porsyento ang nagsabi na marami pa ring adik sa kanilang lugar (nanatili sa 41).

May sagot naman si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa resulta ng survey.

Bukod sa pagsasabing “we take note” kaugnay ng 1.4 milyong pamilyang nabiktima ng krimen sa nakalipas na
anim na buwan, may hirit naman si Panelo.

Iginiit ni Panelo na pinakamababa pa rin ito na bilang ng mga nabibiktima ng krimen sa third quarter, kung saan naitala ang pinakamataas noong Setyembre 2010 na may 13 porsiyento.

Iginiit pa ni Panelo na mas ligtas ang mga Filipino dahil sa kampanya ng gobyerno kontra kriminalidad at droga.

“Significant strides have been made by the current administration through its war against criminality, including those related to illegal drugs,” ani Panelo.

Sinisi pa ni Panelo ang mga politiko na kabilang sa oposisyon at kanila umanong “blind followers” sa paninira sa gobyerno.

“It also becomes clear that those who remain to dissent the President’s policies are either people who are connected with illegal activities or politicians belonging to the opposition, as well as their blind followers, who cannot accept the feats of the government,” ayon pa sa kanya.

Sa totoong karanasan lamang tayo Secretary Panelo. Kung hindi kumbinsido si Panelo sa resulta ng survey ng SWS na tumaas ang krimen sa bansa sa nakalipas na anim na buwan, magbigay na lamang tayo ng totoong karanasan sa nakalipas lamang na mga araw.

Nitong nakaraang araw, isang estudyante ang naholdap habang naglalakad pauwi sa Project 3, Quezon City ganap na alas-5 ng hapon.

Kung tutuusin, napakaaga pa nito at tila walang takot ang mga kawatan habang binibiktima ang estudyante.

Ang tanong, asan ang sinasabing police visibility ng Philippine National Police (PNP)?

Sa mga aircon bus naman na biyaheng pa-Novaliches, patuloy na nambibiktima ang mga holdaper na sumasakay at nagpapanggap na mga pasahero.

Tiyak namang matagal nang aktibidad ito ng mga kawatan, pero bakit hindi sila tinatrabaho ng mga pulis?

Kahit mga driver at konduktor ay alam ang modus ng mga holdaper na target ang mga aircon bus.

Kailangan pa ba nating isa-isahin ang mga nabibiktima ng krimen para malaman ni Panelo na hindi lamang ito paninira kundi totoong nangyayari sa araw-araw?

Hindi rin kailangang ikumpara ang nangyayaring krimen ngayon sa datos noong 2010 para masabing mas mababa pa rin ito kumpara sa nakaraang administrasyon.

Alam naman ni Panelo na bukod sa presyo ng bilihin, malapit din sa sikmura ng mga Pinoy ang isyu ng kriminalidad sa bansa dahil ang pangunahing nabibiktima dito ay mga kawawang mga ordinaryong tao.

Imbes na magdahilan, dapat ay tiyakin na lamang ng pamahalaan na paiigtingin pa ang kampanya kontra kriminalidad.

Read more...