IPINAGDIWANG ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang ikatlong anibersaryo ng grupo sa pamamagitan ng isang outreach program sa Anawim Home For the Abandoned Elderly sa San Isidro, Rodriguez, Rizal nitong nakaraang Linggo.
Ang Anawim ay isang institusyon na suportado ng kilalang Catholic lay preacher at minister na si Bro. Bo Sanchez.
Isa sa mga matagal nang nakatira sa Anawim ay ang dating entertainment editor at scriptwriter na si Iskho Lopez na tuwang-tuwang makita ang mga kaibigan sa SPEEd.
Nagpasalamat si Iskho sa mga maagang Pamasko na natatanggap nila mula sa mga tao at grupo na patuloy na nagbabahagi sa kanila ng tulong.
Bukod sa simpleng entertainment program, namahagi rin ng pagkain, gamot at iba pang mga gamit ang grupo ng mga editor sa mga taga-Anawim.
Naghandog naman ng ilang kanta at sayaw ang mga lolo at lola bago matapos ang programa.
Ilan sa mga tumulong para maisakatuparan ang ikatlong outreach program ng SPEEd sa pangunguna ng presidente nitong si Ian Fariñas, ay ang Unilab, sa pakikipagtulungan ni Claire de Leon Papa, Healthy Family ng Manila Water, Wilson Flores ng Kamuning Bakery, Perci Intalan ng IdeaFirst Company.
Nakiisa rin sa outreach program ng SPEEd sina Aileen Go ng Megasoft, ang super generous at napakabait na businesswoman na si Reí Tan ng Beautederm at PR/publicist na si Chuck Gomez.
May 78 elders ngayon sa Anawim na madalas puntahan ng mga gustong mag-outreach kasama na ang ilang kilalang celebrities. Nakausap namin ang ilang namamahala sa nasabing charity institution at naikuwento nga nila na kabilang sa mga sikat na artistang nag-celebrate rin ng kanilang birthday doon ay sina Marian Rivera, Liza Soberano at Angel Locsin.
Sa mga gusto ring mag-donate, tumawag sa +632-710-5273 at +6392-2826642.